2/3 sa impeachment— anong say mo?
Napakahalagang constitutional question ang binuksan ng apat na amici curiae: paano ba talaga kukuwentahin ang 2/3 vote for conviction? Tatlong dating Chief Justice—Hilario Davide Jr., Artemio Panganiban at Reynato Puno—ang nagkaisa sa isang mahalagang punto: hindi awtomatikong nakapako sa 16 ang kailangan para sa conviction.
May malinaw silang dahilan. Para kay Davide, ang 2/3 ay dapat ibatay sa mga senador na qualified to vote. Binigyang-diin naman ni Panganiban ang aktuwal na participation at independent evaluation ng ebidensiya. Para kay Puno, fraction na 2/3 ang isinulat ng Constitution—hindi permanenteng numerong 16.
Kabaligtaran ang posisyon ni retired Justice Adolfo Azcuna. Para sa kanya, “all the Members of the Senate” means all sitting senators. Kaya kung 24 ang miyembro ng Senado, 16 ang kailangan para sa conviction.
Mas interesante kapag ikinumpara sa Amerika. Sa U.S. Constitution, malinaw: “two thirds of the Members present.” Sa atin naman, “two-thirds of all the Members of the Senate.” Magkahawig ang impeachment systems, pero magkaiba ang eksaktong wording.
Kaya ito ang tunay na tanong: sino ang dapat bilangin sa “all the Members” kung may senator-judge na legal o aktuwal na hindi makalahok, hindi nakarinig ng ebidensiya at hindi makaboto? Dito nagiging mahalaga ang argumento na ang 2/3 ay constitutional fraction, hindi awtomatikong fixed number.
Mahalaga rin na ang Constitution mismo ang nagbigay sa Senado ng “sole power to try and decide all cases of impeachment.” Ibig sabihin, may sariling constitutional authority ang Senate impeachment court sa pagresolba ng mga usaping direktang bahagi ng impeachment proceedings. (Lawphil(!))
Hindi naman ibig sabihin nito na walang papel ang Supreme Court. Maaari pa ring magkaroon ng constitutional review sa wastong kaso, kabilang ang usapin ng grave abuse of discretion. Iba iyon sa mismong trabaho ng impeachment court na dinggin at pasyahan ang kaso.
Magkaiba ang papel ng dalawang institusyon: maaaring bantayan ng Supreme Court ang constitutional boundaries; ang Senate impeachment court naman ang nakikinig sa argumento at ebidensiya. Ang conviction o acquittal ay nasa mga senator-judge.
Mahalagang proteksiyon ng prosesong ito ang independence ng bawat senator-judge. Hindi ito dapat idaan sa pressure, ingay ng politika o simpleng bilang ng kampo. Makinig muna, timbangin ang ebidensiya at saka magpasya.
At tigilan na sana ang paglalagay ng boto sa bibig ng mga senador—“for conviction,” “against conviction” o “swing votes.” Hayaan silang magpasya matapos marinig ang kaso. Respect the Senate. Respect the process. Let every senator decide independently.
- Latest















