Survey: Panalo na?
Sa pulitika, bawat opisyal ay naglalakad sa political tightrope. Ngayon, maaari siyang ituring na pinakamahusay, pinakapinagkakatiwalaan o frontrunner. Bukas, isang kontrobersiya, viral video o narrative ang maaaring magpabago sa kaniyang pangalan at numero.
Kaya dapat maging maingat sa presidential at senatorial surveys para sa 2028. Mahalaga ito bilang early indicator ng name recall at voter preference, ngunit napakaaga upang ituring na prediksyon. Marami pang maaaring magbago bago ang labanan.
Hindi makatwirang gawing timeless scoreboard ang ratings ng Pangulo at top officials laban sa mga dating lider. Magkaiba ang krisis, ekonomiya, media environment at methodology. Mas makabuluhang tingnan kung tumataas o bumababa ang rating sa iisang survey series.
Mas gusto kong makita ang surveys na sumusukat sa pananagutan. Aprubado ba ang publiko sa pagkakakulong ng mga senador o dating senador na nahaharap sa kaso? O naniniwala silang kulang pa ang napapanagot? Dapat itong itanong nang may due process at presumption of innocence.
Iba ang halaga ng tracking surveys sa mga lungsod. Mas malinaw ang local issues, machinery, succession at mga kandidato. Sa Quezon City, maaaring magkaroon ng gauge pagsapit ng Disyembre kung sino ang leading mayoral candidate na papalit kay Mayor Joy Belmonte.
Si Mayor Joy Belmonte ay kabilang sa Top-Performing, Most Trusted Mayors in the Philippines, kasama sina Jeannie Sandoval, Vico Sotto, Isko Moreno, John Rey Tiangco, Jonkie Ouano, Samsam Gullas, Eric Singson, Wes Gatchalian, Along Malapitan at iba pang kinikilalang lokal na lider.
Sa local elections, nararanasan ng mga tao ang trapiko, kalinisan, seguridad, social services, imprastraktura at tugon ng city hall. Kapag maganda ang performance at nasasalamin ito sa tracking surveys, malaki ang posibilidad na manatili ang suporta at mauwi sa tagumpay.
Iba ang national elections. Mas diverse ang political behavior ng mga botante, kaya hindi tiyak ang survey lead. Habang lumalakas ang fake accounts at coordinated disinformation, kailangan ang independent digital-information watchdog—hindi censorship agency—laban sa organized manipulation. Performance, pananagutan at tiwalang tumatagal ang dapat manaig.
- Latest















