^

PSN Opinyon

Mabuhay ang West Philippine Sea!

BARDAGULAN - Ronald M. LLamas - Pilipino Star Ngayon

Kahapon, ipinagdiwang ng buong bansa ang ika-10 anibersaryo ng makasaysayang tagumpay ng Pilipinas sa Permanent Court of Arbitration, na kumilala sa ating sovereign rights at hurisdiksyon sa West Philippine Sea laban sa peke at walang batayang pang-aangkin ng China.

Iba’t ibang inisyatiba at pagkilos ang isinagawa sa buong bansa bilang paggunita sa tagumpay na ito.

Sa Quezon City, pinasinayaan ang “West Philippine Sea Fisherfolk Monument,” ang kauna-unahang monumento sa bansa na inialay sa mga mangingisda ng West Philippine Sea na patuloy na ipinagtatanggol ang ating karagatan. Pinangunahan ito ng Atin Ito Coalition, katuwang ang Quezon City Government sa ilalim ni Mayor Joy Belmonte, bilang pagkilala sa kanilang kabayanihan, sakripisyo, at mahalagang papel sa pagtatanggol ng ating soberanya.

Sa Palawan, mahigit 2,000 mamamayan ang lumahok sa ikatlong West Philippine Sea Parade na pinangunahan ng Pamahalaang Panlalawigan, kasama ang mga opisyal ng Kalayaan Municipality at Atin Ito Coalition. Isinagawa ito alinsunod sa provincial ordinance na ipinasa noong 2024 na kumikilala sa Hulyo 12 bilang “West Philippine Sea Victory Day.”

Sa Cebu naman, nagsabit ng malalaking banner ang mga advocates at nagsagawa ng mga community forum bilang pakikiisa sa pambansang paggunita.

Patuloy ring dumarami ang mga lokal na pamahalaang kumikilala sa Hulyo 12 bilang “West Philippine Sea Victory Day” sa pamamagitan ng mga resolusyon at ordinansa. Kabilang dito ang Cebu City, Baguio City, Zamboanga City, Zamboanga Sibugay, Antipolo City, at Navotas City. Nasa proseso rin ng pagpasa ng katulad na mga hakbang ang Quezon City, Zamboanga del Sur, San Leonardo (Nueva Ecija), San Antonio (Zambales), Bulacan, at Taytay (Rizal).

Sa kabila nito, habang buong siglang ipinagdiwang ng maraming Pilipino ang ating makasaysayang tagumpay at nagkaisa para sa West Philippine Sea, kapansin-pansin ang pananahimik ni Vice President Sara Duterte. Walang imik. Walang paninindigan. Isang Tsinador! Nakakabingi ang kanyang katahimikan sa usaping tuwirang may kinalaman sa ating pambansang interes.

Kaya kasabay ng pagdiriwang, dapat ding magpatuloy ang pagkilos. Panahon nang maglabas ang administrasyon ng Executive Order at ipasa ng Kongreso ang panukalang batas na opisyal na magdedeklara sa Hulyo 12 bilang “West Philippine Sea Victory Day.” Mahalaga ito upang mapalalim ang kamalayan ng mamamayan, labanan ang disimpormasyon, itaguyod ang paggalang sa international law, at patuloy na parangalan ang katapangan at sakripisyo ng ating mga mangingisda at frontliners na araw-araw na nagtatanggol sa ating karagatan.

Ang paggunita sa Hulyo 12 ay hindi lamang pag-alala sa isang legal na tagumpay, ito ay pagpapatibay ng ating pagkakaisa, soberanya, at walang humpay na paninindigan para sa West Philippine Sea.

CHINA

  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with