Drama ng Cayetano siblings hindi kinagat
Umani ng kritisismo sa netizens ang pagiging pabida umano ng magkapatid na Senators Alan Peter at Pia Cayetano sa agresibong pagharang sa mga proseso sa unang araw ng paglilitis sa impeachment ni Vice President Sara Duterte nitong Lunes.
Sa pagsisimula pa lamang ng paglilitis ay nagtaas ng point of order si Senate Minority Leader Alan Peter at iginiit na batay sa Konstitusyon, na ang nakaupong Senate President na si Win Gatchalian ang dapat magsilbing presiding officer at hindi si Sen. Chiz Escudero na inihalal ng mayorya.
Sinuportahan ni Senador Pia ang kapatid sa mga argumento nito na tila nagpabagal sa pagpapatuloy ng sesyon.
Napansin ng mga netizen na tila magkapareho ang “script” ng magkapatid sa pagkuwestiyon sa legalidad ng mga panuntunan na ginawa ng Senado bago pa man mag-umpisa ang paglilitis.
Naging paulit-ulit ang pagkuwestiyon ng magkapatid na mukhang isang estratehiya upang maantala ang pagdinig o i-abante ang kanilang sariling pananaw na taliwas sa desisyon ng nakararami sa mga senador-judge.
Ang mga “drama” at taktika ng magkapatid na Cayetano ay hindi kinagat dahil tila nakita na ito ay palabas lamang para protektahan ang kanilang alyansa.
Ayon sa mga kritiko, nabigo ang magkapatid na manipulahin ang proseso at gumawa ng simpatya dahil ang kanilang mga hakbang ay lumalabas na pabor sa pagkaantala ng katarungan.
Ang impeachment court ay isang espesyal na tribunal na binubuo ng Senado ng Pilipinas na ang mga senador ay magsisilbing hurado.
Ang pangunahing layunin ay litisin at panagutin ang mga matataas na opisyal ng gobyerno sa pamamagitan ng mga kasong isinumite ng Mababang Kapulungan o Kamara de Representantes.
Sa gitna ng masalimuot na sitwasyon ng pulitika sa bansa, ang Senado ay nagiging tahanan ng isa sa pinakamabigat na tungkulin sa ilalim ng Konstitusyon: ang pag-upo bilang isang impeachment court.
Hindi lamang ito simpleng bulwagan ng debate, kundi isang espasyo kung saan ang kapalaran ng mga matataas na opisyal ay nakasalalay sa timbangan ng batas at ebidensiya.
Kaya’t kaabang-abang ang magaganap na tunggalian ng mga abogado ng magkalabang panig.
- Latest

















