^

PSN Opinyon

EDITORYAL — Inabuso ni Bato ang RA 10591

Pilipino Star Ngayon

ANG pag-surrender ng 20 sa 117 na rehistradong baril ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa ay hindi tagumpay ng hustisya; ito ay nakagugulat na paglantad sa isang sistema ng “unli” na pagmamay-ari ng armas na nagpapahintulot sa mga nasa kapangyarihan na magtayo ng pribadong arsenal. Sa gitna ng pagtatago ni Dela Rosa mula sa arrest warrant ng International Criminal Court (ICC), ang katotohanang nagawa pa niyang magparehistro ng mga bagong armas noong nakaraang Marso ay maliwanag na sampal sa mukha ng batas.

Sa ilalim ng Republic Act 10591, ang pag­ma­may-ari ng baril ay naging isang pribi­le­hiyo na madaling abusuhin. Ang “Type 5” na lisensiya, na nagpapahintulot sa sinumang “certi­fied gun collector” na humawak ng higit sa 15 armas, ay nagsisilbing loophole sa batas na ginagamit ng mga pulitiko at retiradong opisyal upang mag-imbak ng firepower na kayang tapatan ang lakas ng isang maliit na yunit ng militar. Hindi ito koleksyon; ito ay paghahanda para sa karahasan. Mula kay dating Pangulong Rodrigo Duterte na nagrehistro ng 358 na baril bago matapos ang kanyang termino, hanggang kay Dela Rosa na may 117, malinaw na ang sistemang ito ay disenyo para sa mga elite na may tamang koneksiyon.

Madalas gamitin ng kampo ng mga pulitiko ang katwiran ng “self-defense” upang bigyang-katwiran ang kanilang arsenal. Ngunit dapat itanim sa isipan: ang paghawak ng baril ay isang pribilehiyo mula sa estado, hindi isang likas na karapatan. Kung ang isang tao ay nahaharap sa mga kaso ng crimes against humanity at kini­kilala na ng gobyerno bilang isang “pugante,” ang pagbawi sa kanyang lisensiya ay hindi lamang nararapat, ito ay obligasyon ng estado para sa kaligtasan ng publiko.

Ang pagbawi sa lisensiya ay unang hakbang lamang. Ang tanong ngayon: nasaan ang nati­tirang 97 baril ni Bato? Kung seryoso ang gob­yerno sa pagpapanagot kay Dela Rosa, hindi dapat ito matapos sa pag-asa na kusang susuko ang senador. Hindi dapat makuntento sa “safe­keeping” ng 20 baril habang ang natitirang 97 ay nananatiling banta sa mga nagpapatupad ng batas.

Ang kaso ni Dela Rosa ay salamin ng kultura ng impunidad sa bansa. Hangga’t pinapayagan­ ng batas ang mga “private arsenal” na ito, pa­tuloy na mamamayagpag ang mga pribadong hukbo na ugat ng mga karumal-dumal na krimen gaya ng Maguindanao massacre. Panahon na para bawiin ang pribilehiyong ito mula sa mga taong gumagamit ng kanilang posisyon upang labanan ang batas. Ang hustisya ay hindi kailangang maging “armed and dangerous”, ka­ilangan lang maging matapang, patas at walang kinikilingan.

SENATOR

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with