^

PSN Opinyon

EDITORYAL — No work, no pay

Pilipino Star Ngayon

MAHALAGA ang paalala ng Supreme Court sa desisyong isinulat ni Associate Justice Maria Filomena Singh kamakailan kung saan hindi sapat ang pag-absent sa trabaho para sabi­hing ina­bandona na ng empleyado ang kanyang hanapbuhay.

Nag-ugat ang kaso sa isang production uti­lity worker na idineklarang AWOL matapos lumi­ban ng ilang araw dahil umano sa pagkakasakit. Nang bumalik siya sa trabaho, hindi siya pinapasok. Dinala niya ang kaso sa labor tribunal. Natalo sa Labor Arbiter, NLRC at Court of Appeals, ngunit binaliktad ito ng SC.

Nilinaw ng SC na may dalawang kailangang patunayan sa abandonment: una, ang emple­yado ay absent nang walang sapat na dahilan; at ikalawa, malinaw na may intensyon siyang pu­tulin ang ugnayan sa employer. Mas maha­laga ang ikalawa. Hindi sapat na hindi pumasok ang manggagawa. Kailangang may kilos o ebi­­densiyang nagpapakitang ayaw na niyang bu­malik sa trabaho.

Sa kasong ito, sinabi ng Korte na kahit may unauthorized absences ang empleyado, hindi­ napatunayang gusto niyang talikuran ang kan­yang kabuhayan. Sa katunayan, nagtangka siyang­ bumalik sa trabaho at agad na naghain ng reklamo nang hindi na siya pinapasok. Kaya ilegal ang kanyang dismissal. Gayunman, hindi rin siya binigyan ng back wages dahil kinilala ng Korte na may pananagutan pa rin siya sa pag­liban. Tamang balanse ito. Hindi sinasabi ng Korte na puwedeng balewalain ng manggagawa ang patakaran. Ang sinasabi nito: hindi puwedeng gawing shortcut ng mga employer sa tanggalan­ ang pag-AWOL. Dapat may due process, sapat­ na ebidensya, at patas na parusa. Dito mas ma­talim ang tanong: kung ang ordinaryong mang­gagawa ay kailangang magpaliwanag sa ilang araw na pagliban, bakit maluwag ang panana­gutan ng ilang opisyal na ang suweldo ay mula sa taumbayan?

Ayon sa report, si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa ay may 31 absences sa 58 session days ng Senado at hindi nakadalo sa mga sesyon mula Nobyembre 2025. May ethics complaint ding inihain laban sa kanya dahil sa matagal na pagliban. May panukala rin ngayon na ipa­tupad ang “no work, no pay” sa matataas na opis­­yal ng gobyerno na absent nang walang malinaw na dahilan o proper leave.

Makatarungan lang ito. Sa ordinaryong em­pleyado, ang hindi pagpasok ay maaaring mauwi sa kaltas, suspension, notice to explain, o tang­galan. Hindi pareho ang labor law ng emple­yado at ang patakaran sa halal na opisyal. Pero pareho ang moral na sukatan: may trabaho, may pananagutan. Mas mabigat pa nga ang tungkulin ng public official dahil hindi pribadong kom­panya ang nagpapasuweldo sa kanya kundi ta­um­ba­yan. Kaya dapat malinaw ang pa­takaran sa atten­­dance, leave, salary deduction, at sanctions para sa mga opisyal. Hindi sapat­ ang pangalan sa balota. Kung mahigpit ang sis­tema sa ordinar­yong manggagawa, mas dapat mahigpit­ ito sa mga nasa kapangyarihan. Dahil sa huli, ang tunay na AWOL ay hindi lamang pagliban sa opisina. Ito ay pagliban sa pananagutan.

WORK

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with