Trauma sa unang araw ng pasukan
Sa Mindanao, ang unang araw ng balik-eskwela ngayong Hunyo ay hindi sinalubong ng tunog ng kampana, kundi ng malakas na pagyanig ng lupa. Ang magnitude 7.8 na lindol ay kumitil na ng 38 buhay, marami ang sugatan at may mga nawawala. Nagdulot din ito ng pagkawasak sa mga gusali, pagkasira ng mga paaralan, at higit sa lahat, trauma sa mga batang dapat sana’y masaya sa pagbabalik sa silid-aralan.
Ang mga bata, na may bagong bag at lapis, ay sabik na sana sa unang araw ng klase. Ngunit sa halip na kwento ng bakasyon at pagbati sa mga kaklase, ang kanilang alaala ay puno ng takot, sigaw, at pagtakbo palabas ng paaralan. Ang excitement ay napalitan ng kaba, at ang unang pahina ng kanilang school year ay naging kwento ng trauma.
Malaki ang magiging epekto nito sa mga mag-aaral. Ang biglaang pagyanig ay maaaring magdulot ng matinding stress sa murang isipan dahil ang dating masiglang pagpasok ay maaring mauwi sa pangamba, na puwedeng makaapekto sa kanilang pagkatuto.
Sa gitna ng trahedya, dito papasok ang kahalagahan ng psychosocial support. Ang mga guro ang kanilang magsisilbing gabay at magbibigay ng lakas ng loob. Ang mga paaralan ay kailangang maging safe learning spaces, hindi lamang sa pisikal kundi emosyonal.
Ang komunidad naman ay kailangang magtulungan upang muling maibalik ang tiwala ng mga bata na sa kabila ng lindol, ang eskwela ay nananatiling kanlungan ng pag-asa. Sa bawat guho ng paaralan, may pagkakataon tayong muling itayo hindi lang ang mga gusali, kundi ang tiwala at sigla ng kabataan.
- Latest















