EDITORYAL - Handa na ba sa school opening?
NGAYON ang simula ng Brigada Eskuwela na tatagal hanggang Hunyo 5, 2026. Magkakaroon ng paglilinis sa mga eskuwelahan bilang paghahanda sa pagbubukas ng klase sa Hunyo 8.
Ang tanong: handa na ba talaga ang Department of Education (DepEd) sa pagbubukas ng klase? May sapat na bang classrooms para sa mga batang dadagsa sa pasukan? May sapat na bang mga guro? May sapat na bang mga libro para sa mga estudyante?
Tiyak ang kakulangan sa classrooms at kakulangan sa mga guro ang sasalubong sa mga mag-aaral. Tinatayang 65,000 na classrooms ang kulang samantalang 30,000 naman ang kinakailangang mga guro para sa school year 2026-2027.
Ang dalawang problemang ito ay noon pa namamayani at sa kabila na may malaking budget ang DepEd para sa pagpapagawa ng mga eskuwelahan at pag-hire sa mga guro, nananatili pa rin at hindi masolusyunan ang mga problema. Ang apektado sa mga problemang ito ay ang mga estudyante mismo. Malaki ang kaugnayan ng pagiging mahina ng mga estudyante sa aralin sa kakulangan ng classrooms at guro. Kung nagsisiksikan na parang sardinas ang mga estudyante, paano sila makakapagpokus sa aralin.
Apektado rin sila kung kulang ang guro. Mayroong mga guro na maraming subjects na hinahawakan kaya halos siya na lamang ang nakikita ng estudyante sa buong araw.
Sa mga nakaraang pagbubukas ng klase, karaniwan na ang tanawin na mayroong nagdaraos ng klase sa lobby ng school, sa comfort room na ginawang classroom at mayroong nagkaklase sa ilalim ng punongkahoy. Posibleng mangyari na naman ang senaryong ito kung hindi makagagawa ng paraan ang pamahalaan. Malaking problema para sa mga estudyante ang pagsisiksikan sa classroom.
Ang kakulangan ng classrooms at guro ay inamin naman ni DepEd Sec. Sonny Angara. Tinutugunan na umano ang problemang ito. Nagpapagawa na umano sila ng school buildings subalit talaga lamang mabilis dumami ang mga mag-aaral na nag-eenrol taun-taon. Patuloy din umano ang pag-hire ng mga bagong guro.
Taun-taon, hindi na nabago ang problema tuwing pasukan. Malaki ang kaugnayan ng dalawang problemang nabanggit sa kalidad ng edukasyon. Sa mga kumpetisyon, nangungulelat ang mga estudyanteng Pinoy sa Math, Science at Reading Comprehension. Ayon sa report, maraming Grade 2 students ang hindi marunong bumasa. Mayroon ding senior high school students na hindi maunawaan ang binabasa. Dapat malutas ng DepEd ang mga problemang ito.
- Latest















