Tiwala ang tunay na kapital
Kapupulutan ng mahalagang aral ang sigalot na bumabalot ngayon sa Lopez Group.
Ipinapakita nito na sa mundo ng negosyo, hindi lahat ay nadaraan sa boto. Hindi lahat nasusukat sa dami ng kakampi sa boardroom o sa bilang ng mga pumapanig sa isang kampo.
Kapag sumiklab ang krisis, may isang bagay na higit na mahalaga kaysa kontrol—ang tiwala.
Nananatiling mahalagang pigura si Piki Lopez sa kabila ng lumalalim na hidwaan sa loob ng isa sa pinakamalalaking conglomerate sa bansa. Habang nagpapatuloy ang tunggalian para sa kontrol ng kumpanya, malinaw na hindi basta naililipat ang kumpiyansa ng mga investor, bangko, creditors, at business partners sa pamamagitan lamang ng mga resolusyon o pag-angkin ng mayorya sa board.
Sa negosyo, may mga lider na may kapangyarihan sa papel at may mga lider na may kredibilidad sa merkado. Magkaiba ang dalawa. Maaaring makuha ang kapangyarihan sa papel sa pamamagitan ng boto, ngunit ang kredibilidad sa merkado ay bunga ng mahabang rekord ng pamumuno, tamang pagpapasya, at kakayahang magbigay ng katatagan sa panahon ng kaguluhan. Ito ang uri ng kapital na hindi madaling mabuo at lalong hindi madaling palitan.
Ang panawagan para sa isang “ceasefire” sa sigalot ng Lopez Group ay higit pa sa simpleng paghahangad ng kapayapaan. Isa itong pagkilala na habang tumatagal ang alitan, lumalalim ang agam-agam ng merkado at tumataas ang panganib na maapektuhan ang direksiyon ng kumpanya.
Marami pa ring stakeholders ang tumitingin kay Piki Lopez bilang simbolo ng katatagan.
Ipinapakita lamang ng nangyayari sa Lopez Group na may mga laban sa negosyo na hindi napapanalunan sa korte o sa boardroom. Ang pinakamahalagang laban ay nilulutas ng merkado mismo—sa pamamagitan ng pagtitiwala o pagkawala nito.
Ang kontrol ay maaaring maipasa, ngunit ang tiwala ay kailangang patuloy na pinaghihirapan.
Para sa komento: [email protected]
- Latest




















