^

PSN Opinyon

EDITORYAL — Naguhong gusali

Pilipino Star Ngayon

ANG pagguho ng isang siyam na palapag na gusali sa Bgy. Balibago, Angeles City, Pampanga noong Mayo 24 ay hindi simpleng sakuna o aksidente. Ito ay malinaw na krimen­ ng kasakiman at talamak na kapabayaan. Habang isinusulat ang editoryal na ito, umakyat na sa anim ang kumpirmadong patay, 15 ang na­­na­natiling nawawala, at 26 ang sugatan. Sa ilalim ng mga nagbagsakang semento at bakal, nakabaon ang pangarap ng mga ordinaryong trabahador.

Lumalabas sa paunang imbestigasyon ng mga awtoridad ang kasuklam-suklam na kato­tohanan: binago ng may-ari at kontraktor ang orihinal at aprubadong blueprint noong 2023. Nang walang anumang permit o pag-apruba mula sa Office of the Building Official, palihim silang nagdagdag ng isa pang palapag at ginawa pang swimming pool ang rooftop ng gusali. Sa isang bansang madalas lindulin at bagyuhin, ang pag­daragdag ng tone-toneladang semento sa isang mabuway na pundasyon ay hayagang pagha­mon sa kamatayan. Pinili nilang magtipid at luma­bag­ sa batas upang mapalaki ang kita, kapalit ng buhay ng mga manggagawa.

Ngunit hindi lamang ang may-ari at kontraktor ang may dugo sa kanilang mga kamay. Ma­laki rin ang pananagutan ng Department of Labor and Employment (DOLE) at ng lokal na pamahalaan. Noong Setyembre ng nakaraang taon, ipinatigil na pala ng DOLE Region 3 ang konstraksiyon dahil sa kawalan ng mga safety nets, sapat na ilaw, at protective gear para sa mga manggagawa. Subalit matapos mag-ulat na sumunod na raw sa patakaran, pinayagan silang muling magpatuloy. Paanong nakalusot sa mga inspektor ng gobyerno na ang siyam na palapag na gusali ay may ilegal na palapag at swimming pool sa itaas? Ang bulag na pagsubaybay na ito ay amoy korapsiyon at kapabayaan sa panig ng mga awtoridad na may mandato sanang mag-inspeksiyon.

Mas lalo pang nakagagalit ang natuklasan ni Acting Labor Secretary Francis Tolentino na ginawang tulugan ng mga manggagawa ang loob ng construction site sa halip na magtayo ng hiwalay na barracks. Mas malala, may mga ulat na pinatira pa roon ang kanilang mga pamilya, kabilang ang mga asawa at anak. Habang ang mga biktima ay nakikipagbuno sa kamatayan, ang may-ari ng kompanya ay hindi pa lumalantad at pinaniniwalaang nakalabas na ng bansa. Ang ganitong uri ng karuwagan at pag-iwas sa pananagutan ay nagpapakita lamang kung pa­ano tinitingnan ng mga kapitalista ang mga ma­hihirap na manggagawa: mga kasangkapan na madaling palitan at itapon kapag napakina­ba­ngan na.

Naglabas ang DIKG ng subpoena at hold de­parture order sa mga maysala. Hindi sapat ang simpleng pagbawi ng lisensiya o pagpapataw ng multa. Dapat mabulok sa kulungan ang may-ari at kontraktor. Ang trahedya ay dapat magsilbing huling babala: ang pag-unlad ng isang lungsod ay hindi nasusukat sa taas ng mga gusali, kundi sa halaga ng buhay ng mga taong nag­papatayo nito.

BALIBAGO

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with