^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Political dynasty

Pilipino Star Ngayon

IPINASA na sa second reading ang House Bill No. 8389 (Anti-Political Dynasty Act). Pagkatapos ng halos apat na dekada, ngayon lamang ito umusad. Sa Article II, Section 26 ng 1987 Saligang Batas, nakasaad na dapat ipagbawal ang mga political dynasty: “The State shall guarantee equal access to opportunities for public service, and prohibit political dynasties as may be defined by law.”

Ang naging malaking problema ng bansa, nilagyan ito ng mga nakaraang mambabatas ng pariralang “as may be defined by law.” Ibig sabihin, hindi magkakabisa ang pagbabawal na iyan hangga’t hindi nagpapasa ang Kongreso ng isang hiwalay na batas o enabling law para linawin kung ano ba talaga ang kahulugan ng “dinastiya” at kung sinu-sino ang sakop nito. Dahil ang Kongreso ay pinamumugaran ng mga political clans, sadyang pinatulog at ibinaon sa limot ang kautusang ito sa loob ng 39 na taon. Subalit ipinanukala nga ang HB 8389 na ang mga awtor ay sina Reps. Dy at Marcos. Ang mapait na biro at irony dito ay paanong ang mga pamilyang ilang henerasyon nang nakaluklok sa rurok ng dinastiya ang magiging arkitekto ng pagbuwag nito? Ang sagot ay makikita sa laman ng panukala na maituturing na “bungi”.

Sa HB 8389, hanggang second degree of consanguinity o affinity lamang ang sakop ng pagbabawal (magulang, anak, kapatid, asawa). Napakadaling lusutan ng sistemang ito. Ang kailangan lang gawin ng mga naghaharing pamilya kapag naabot na ang term limit ay patakbuhin ang kanilang mga pinsan, pamangkin, tito, at tita upang mapanatili ang kapit nila sa kapangyarihan.

Mas malala pa ang tinatawag na clustered prohibitions. Pinapayagan ng bill na magkakasabay na tumakbo ang magkakamag-anak basta’t magkakaiba ang antas ng pwesto. Ibig sabihin, sa iisang pamilya, pwedeng sabay na nakaupo ang ama bilang Senador, ang ina bilang Gobernador, ang anak bilang Mayor, at ang kapatid bilang Kongresista. Idagdag pa rito ang dagdag na amiyenda na tuluyang nag-alis sa mga opisyal ng barangay sa sakop ng dinastiya, at ang katawa-tawang mekanismo ng drawing of lots o bunutan kung sakaling mag-overlap ang mga kandidatong magkakamag-anak. Gagawin na lamang bang parang raffle ang kinabukasan ng bayan para hindi masaktan ang mga tradisyunal na pulitiko?

Dito pinatunayan ng Kamara na ang isang Kongresong pinamumugaran ng mga dinastiya ay hinding-hindi magpapasa ng isang tunay at makabuluhang batas laban sa kanilang sarili. Dahil sa limitadong bersiyong ito, lumalakas ang panawagan para sa People’s Initiative, gaya ng isinusulong ng koalisyong “Dapat Isa Lang” ni dating Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio. Ayon kay Carpio, ang mga botante ang may kapangyarihang magbalangkas ng batas sa pamamagitan ng kanilang mga pirma. Ang bersiyong inihahain ng ganitong mga pagkilos ng mamamayan ay mas sumasalamin sa totoong kahulugan ng pagbabawal: sakop ang hanggang fourth degree ng kamag-anakan, nililimitahan ang bawat pamilya sa tig-iisang puwesto lang sa nasyonal at lokal, ipinagbabawal ang salit-salit na palitan ng puwesto, at may malinaw na cooling-off period.

POLITICAL DYNASTY

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with