Sen. Bato dela Rosa, ‘checkmate’ na!?
Mukhang mahihirapan na sa kanyang mga legal remedies si Senador Ronald “Bato” dela Rosa upang hindi maipatupad ng law enforcement agencies ang arrest warrant laban sa kanya na nagmula sa International Criminal Court (ICC).
Kumbaga sa larong chess, mukhang “checkmate” na ang Senador dahil wala nang legal moves para malusutan ang arrest warrant para sa kasong “crimes against humanity”, matapos namang maglabas ng desisyon ang Korte Suprema na nagbabasura sa kahilingan nito na maglabas ng Temporary Restraining Order (TRO) na haharang sa nasabing ICC arrest warrant.
Kamakalawa, sinabi ng Philippine National Police (PNP) na may lead na sila sa pinagtataguan ngayon ni Dela Rosa kaya naman para kay Senador Raffy Tulfo, puwede nang ipatupad ang pag-aresto sa Senador dahil sa naging desisyon ng Supreme Court.
Ang masaklap pa rito, inaasahang may mga madadamay na mga opisyal na posibleng makasuhan sa pagpuga ni Bato habang nasa “protective custody” ng Senado sa pamamahala ng bagong luklok na Senate President Alan Peter Cayetano kasunod ng kanilang sorpresang “kudeta” sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso.
Sa imbestigasyon at videos na inilabas ng PNP, lumalabas na tinulungan ni Senador Robin Padilla ang kaibigang si Bato na makatakas sa Senado gamit ang kanyang mismong sasakyan. Ito ay matapos na ma-trap si Bato sa loob ng Senado nang paligiran na siya ng government forces na nagnanais siyang arestuhin.
Sa tingin ng netizens, tila sinadya ang ginawang kaguluhan sa Senado nang sunud-sunod na magpakawala ng warning shots si suspended Senate Sgt. at Arms chief Mao Aplasca para naman maitaboy ang media na nagkokober sa lugar upang maisakatuparan ang pagtakas ni Bato.
Inirekomenda na rin ng PNP-CIDG na sampahan ng kaso si Aplasca at dalawang tauhan nito dahil sa ginawa nilang pagpapaputok ng baril noong Mayo 13 sa Senado kasunod ng Senate coup d’ etat para maipuwesto si SP Cayetano.
- Latest



















