EDITORYAL — Krisis sa edukasyon
Hindi na sapat na sabihing may learning crisis ang bansa. Matagal na itong alam.
Ang mas mabigat na tanong ngayon: bakit paulit-ulit nating binabalikan ang parehong problema habang milyun-milyong bata ang umaakyat ng baitang nang hindi handa?
Ayon sa 2026 State of Philippine Education Report na isinagawa ng Philippine Business for Education, 99.53% ng Grade 12 students na kumuha ng 2024 National Achievement Test ay hindi sapat ang proficiency sa core competencies.
Iilan lamang ang itinuturing na proficient o highly proficient.
Kulelat din ang mga bata sa mga paligsahang may kinalaman sa English, Science Math at Reading Comprehension. Napag-iiwanan ng mga estudyante ng mga katabing bansa. Ilang taon na ang nakararaan, nabatid na may mga senior high school na nahihirapang umintindi ng mga pinag-aralan, pero nakapasa.
Hindi ito simpleng mababang marka, ito ay babala.
Kapag ang estudyante ay umaabot sa senior high school na kulang sa basic skills, nahihirapan siya hindi lang sa exam kundi sa pagdating sa kolehiyo at trabaho.
May mga reporma na ang Department of Education: ARAL Program, curriculum changes, dagdag budget, at classroom construction.
Mahalaga ang mga ito, pero mabagal ang implementasyon. Ang edukasyon ay hindi puwedeng laging “sa susunod na taon na lang.” dahil isang beses lang dumaan ang bata sa bawat baitang.
Malaki ang budget, pero kung kulang pa rin ang silid-aralan, pasilidad, tubig, kuryente, internet, at learning materials, malinaw na hindi lang pera ang isyu kundi bilis at kalidad ng pagpapatupad.
Hindi rin sapat ang curriculum kung gutom ang bata, siksikan ang klase, pagod ang guro, at kulang ang guidance counselors, nurses, at security.
Hindi puwedeng iasa sa guro ang lahat ng tungkulin ng isang buong support system.
Kailangan ding alagaan ang mga guro kung gusto nating alagaan ang bata.
Ang paaralan ay dapat buo ang ecosystem of support: sapat na personnel, ligtas na campus, at maayos na pamumuno.
Pero ang sentro ay malinaw—foundational learning. Kung hindi marunong bumasa, umunawa, magsulat, at magbilang ang bata sa unang taon, lalo lang lalaki ang agwat habang tumataas ang baitang. Pagtuunan ng pansin ng pamahalaan ang problemang ito.
- Latest



















