Sino ang magliligtas sa Senado?
Isa nang lumulubog na barko ang Senado. Kasabay ng pagkadapa ng puganteng si Senador Bato dela Rosa, tuluyan ding sumadsad ang natitirang reputasyon at kredibilidad ng institusyon. Habang lumilipas ang mga araw na walang matinong liderato, lalo ring nawawala ang tiwala ng mamamayan.
Bakit nga naman magtitiwala ang taumbayan kung lagpas kalahati ng mga senador ay may mga kasong may kaugnayan sa malawakang pagpatay, pandarambong, katiwalian, at iba’t ibang pang-aabuso? Hindi pa kasama rito ang pagkupkop ni “Ambassador of Jesus Christ” Alan Peter Cayetano kay Dela Rosa, ang barilan sa loob mismo ng Senado, at ang diumano’y pagtulong sa pagtakas ni Bato.
Ang Senado, na dati’y bulwagan ng mahuhusay at makabayang mambabatas, ngayo’y tila sindikato at lunggaan ng mga kriminal at kawatan.
Sabi ni Cayetano, hindi raw magulo ang Senado, ginugulo lang daw sila. Anak ng sampung libong kaldero! Nagsimula ang kaguluhan nang i-kudeta niya ang dating liderato at ipinuslit si Bato upang isulong ang kanyang ambisyon at pagtakpan ang kanyang mga alyado, partikular si Vice President Sara Duterte.
Reklamo pa ni Cayetano, lagi raw siyang “pinupulitika.” Noong Foreign Affairs secretary siya, pinagbibitiw. Noong House Speaker, pinagre-resign. At ngayong Senate president, pinapatalsik. Hindi mo pa rin ba gets, Alan? Sukang-suka na ang lahat sa iyo.
Dito pumapasok ang mabigat na tanong: sino ang may sapat na kredibilidad at liderato upang iahon ang Senado sa burak?
Nitong Lunes, napaulat na nais muling kunin ni Senador Chiz Escudero ang liderato. Naku po! Para tayong nagtanggal ng kumukulong kaldero sa kalan para ipukpok sa sarili nating ulo.
May ilan pang pangalang lumulutang: sina former Senate President Tito Sotto, Senador Migz Zubiri, at Senador Win Gatchalian. Abangan ang susunod na kabanata.
Ngunit higit sa tanong kung sino ang susunod na Senate president, huwag nating kalimutan na ang kaligtasan ng Senado ay hindi maaaring iasa lamang sa iilang politiko. Ang tunay na magliligtas sa ating mga demokratikong institusyon ay tayo mismong mamamayang handang kumilos para sa pagbabago. Dahil habang paulit-ulit nating ibinabalik sa kapangyarihan ang mga abusado, huwag na tayong magtaka kung bakit may mga nilalang na gaya ni Cayetano.
- Latest




















