EDITORYAL — Pilipinas, ika-47 sa World Competitiveness Ranking
UMAKYAT ang Pilipinas sa World Competitiveness Ranking. Sinusukat ng ranking ang kakayahan ng isang bansa na maging maayos na lugar para sa negosyo, trabaho, pamumuhunan, serbisyo publiko at pangmatagalang pag-unlad. Mula ika-51 puwesto noong nakaraang taon, nasa ika-47 na ngayon sa 70 bansang sinuri. May progreso ito, lalo na sa business efficiency at government efficiency. Ibig sabihin, may reporma at proseso ng gobyerno na nagsisimulang gumalaw.
Pero hindi dapat gawing victory lap ang apat na hakbang pataas. Ang ranking ay hindi tropeo. Maikukumpara ito sa isang report card. At tulad ng report card, hindi lang dapat tingnan ang markang tumaas. Pansinin din ang subject na bagsak pa rin.
Sa kaso ng Pilipinas, malinaw ang paulit-ulit na problema: imprastruktura. Nanatili tayong mababa sa infrastructure pillar, nasa ika-60 puwesto pa rin. Ito ang bahagi ng competitiveness na direktang nararamdaman ng lahat: negosyante man, manggagawa, estudyante, pasyente, commuter, o ordinaryong pamilya.
Ano ang saysay ng mas magandang business climate kung mahal ang kuryente, kulang ang tubig, sira ang kalsada, mabigat ang trapiko, at kulang ang transportasyon? Paano magiging tunay na competitive ang bansa kung mahina ang edukasyon at hirap ang health care system?
Hindi lang negosyo ang pinag-uusapan sa competitiveness. Kasama rito ang kalidad ng pamahalaan, bilis ng serbisyo, tiwala sa institusyon, kakayahan ng manggagawa, at tibay ng sistemang sumusuporta sa ekonomiya. Kung mabagal ang burukrasya, kung may takot sa korapsiyon, kung hindi pantay ang oportunidad, at kung kulang ang basic services, mahihirapan pa ring makipagsabayan ang Pilipinas kahit tumaas pa ang ranking. Mahalaga ring tingnan ang ating mga kapitbahay. Nasa unahan pa rin ang Singapore, Malaysia, Thailand at Vietnam. Ibig sabihin, habang umaangat ang bansa, mas mabilis ang takbo ng iba.
Mas masakit isipin na noong 2013, umabot na ang Pilipinas sa ika-38 puwesto. Ngayon, kahit umangat, malayo pa rin sa dating pinakamataas na naabot. Ibig sabihin, hindi kulang sa potensiyal ang bansa. Ang problema ay pagpapatuloy, pagpapatupad, at disiplina sa pamamahala. Magaling gumawa ng plano, pero mahina sa tuluy-tuloy na delivery.
Dapat gamitin ng gobyerno ang World Competitiveness Ranking hindi bilang pang-display sa press release, kundi gabay kung ano ang dapat unahin. Putulin ang red tape, pabilisin ang serbisyo, gawing malinaw ang regulasyon at habulin ang korapsiyon. Sa mahabang panahon, kailangang seryosohin ang edukasyon, health care, transportasyon, digital infrastructure, enerhiya, tubig, at climate resilience.
Hindi mali na ipagdiwang ang pag-angat. Ngunit mas mahalagang gamitin ito bilang paalala: may nagagawa tayo, pero marami pang hindi naaayos.
- Latest
















