EDITORYAL - ‘Confidential’ laban sa accountability
Noong Martes, Day 21 ng impeachment trial ni VP Sara Duterte, muling napag-usapan ang mga kakaibang pangalan na lumitaw sa acknowledgment receipts na isinumite bilang patunay sa paggamit ng confidential funds.
Sa pagtestigo ni dating Education Undersecretary Michael Poa, sinabi niyang noong congressional hearings lamang niya nakita ang mga pangalang gaya ng “Mary Grace Piattos.”
Ito ay kahit siya mismo ang naghanda ng tugon ng DepEd sa audit observation ng Commission on Audit tungkol sa paggamit ng confidential funds.
Ayon kay Poa, nang hingin niya ang documents evidencing payments, ibinigay sa kanya ang mga ito sa sealed envelope. Nang hilingin niyang makita ang laman, sinabihan umano siyang confidential ang mga dokumento. Isang sample acknowledgment receipt lamang ang ipinakita sa kanya.
Dito dapat ituon ang usapan. Hindi awtomatikong masama ang paggamit ng alias sa isang confidential operation. May mga pagkakataong kailangang protektahan ang pagkakakilanlan ng informants o iba pang taong sangkot sa sensitibong operasyon.
Pero ibang usapan kapag pera ng bayan na ang ginastos.
Ang pagiging confidential ay hindi dapat mangahulugan na hindi na kailangang patunayan kung may totoong transaksyon, kung lehitimo ang pinaglaanan, at kung talagang napunta roon ang pera.
Sa kaso ng DepEd, naglabas ang COA ng audit observation kaugnay ng P112.5 milyong confidential funds dahil sa kakulangan ng supporting documents. Sa mga sumunod na congressional hearings, lumitaw ang mga hindi matunton at kuwestiyonableng pangalan sa mga dokumento.
Hindi pa nito awtomatikong pinatutunayang peke ang mga pangalan o may naganap na paglustay. Iyan mismo ang kailangang patunayan sa tamang proseso.
Pero hindi rin sapat na sabihing confidential ang operasyon para matapos ang tanong.
Maaaring hindi kailangang malaman ng publiko ang tunay na pangalan ng isang informant. Ngunit kailangang may awtorisadong institusyong makapagpapatunay na may totoong taong tumanggap, may lehitimong dahilan sa pagbabayad, at may dokumentong susuporta rito.
Kung walang ganitong paraan ng beripikasyon, napakadaling gawing panangga ang salitang “confidential” laban sa accountability.
- Latest




















