Balakubak o dandruff
Ang balakubak ay isang kondisyon sa anit na may kasamang sobrang pangangati at pagka-tuklap ng balat. Ito ay hindi naman nakahahawa at hindi seryosong sakit, ngunit ang pagkakaroon ng balakubak ay nakakabahala sa iba.
Maraming posibleng dahilan ng balakubak gaya ng: (1) dry skin, (2) iritasyon, (3) seborrheic dermatitis, (4) psoriasis, (5) eczema, (6) yeast-like fungus o malassezia, (7) hindi madalas na pag-shampoo, at (8) sensitibo ang anit sa mga ginagamit na hair products.
Paano ang paggamot sa balakubak:
1. Mag-shampoo ng regular - Gumamit ng mild shampoo o non-medicated shampoo. Dahan-dahan itong i-masahe sa anit para matanggal ang mga natuklap na balat. Banlawan ito mabuti.
2. Gumamit ng medicated shampoo kung malala ang kaso ng balakubak - Hanapin ang shampoo na naglalaman ng zinc pyrithione, salicylic acid, coal tar o selenium sulfide. Ang medicated shampoo na Nizoral 1% ay nakapupuksa ng balakubak sanhi ng fungi na nanirahan sa iyong anit. Ang shampoo na ito ay mabibili sa botika over-the-counter o minsan kailangan pa nito ng reseta.
3. Itigil ang paggamit ng mga styling products - Ang hair sprays, styling gels, mousses at hair waxes ay nagiging dahilan para maging malangis o oily ang buhok at anit.
4. Kumain ng masusustansyang pagkain - Kumain ng mga pagkain na nagbibigay ng sapat na Zinc at B Vitamins na makatutulong maiwasan ang balakubak.
5. Subukan gumamit ng tea tree oil. Ang herbal na ito ay nakatutulong mabawasan ang balakubak. Ang langis ng tea tree oil ay nakukuha sa dahon at ito ay ginagamit na antiseptic, antibiotic, at antifungal.
Kung ang balakubak ay lumala o ang anit ay magkaroon ng iritasyon o sobrang pangangati, kumonsulta sa iyong doktor.
* * * * *
Mangga: Para sa kutis at paningin
1. Ang mangga ay isang sariwang prutas na may pinakamaraming vitamin A at beta-carotene na siyang nagbibigay ng dilaw na kulay nito. Bagay ang mangga para maiwasan ang panunuyo ng balat at maagang pagkulubot ng balat.
2. Maraming vitamin A, C, E ang mangga para sa malinaw na paningin. Makatutulong sa pag-iwas sa pagkawala ng paningin dahil sa night blindness, optic nerve atrophy at pagbara ng ugat sa mata. Meron din mga vitamin B at vitamin K.
3. Ang mangga din ay isa sa pinakamaraming taglay na vitamin E para sa balat.
4. Bagay sa puso dahil may potassium at sodium na posibleng tumutulong sa pagbaba ng presyon ng dugo. Ang iba pang mineral ay magnesium, copper at iron.
5. Maraming fiber ang mangga kaya maganda sa pagtitibi at mga sintomas ng irritable bowel syndrome. May pectin na makatutulong sa pagbaba ng kolesterol at para maiwasan ang prostate cancer at colon cancer.
6. Sabi ng American Diabetic Association ay nasa medium score na 56 sa glycemic index ang mangga. Isang pisngi ng mangga kada kain ay pwede naman.
- Latest















