^

PSN Opinyon

Pinay DH, sidewalk vendor sa Hong Kong

PINOY OVERSEAS - Ramon M. Bernardo - Pilipino Star Ngayon

Sa Hong Kong, hawker ang tawag sa mga nagtitinda sa bangketa—na rito sa atin ay mas kilala bilang sidewalk vendor. Pansamantala ang puwesto, laging may bantay sa paligid, at handang magligpit anumang oras kapag may rumondang awtoridad.

Sa isang ulat ng Financial Times na isinulat ni Chinon Norteman noong nakaraang taon, inilantad ang ganitong reyalidad sa buhay ng ilang Pilipinang domestic helper sa Hong Kong. Tuwing Linggo—kanilang day-off—may ilan sa kanila na naglalatag ng mga segunda-manong damit at iba pang gamit sa bangketa upang kumita ng extra.

Isa sa itinampok ang isang Pinay na tinawag na “Daniela” (hindi niya tunay na pangalan para sa seguridad). Pitong taon na siyang nagtatrabaho sa Hong Kong mula nang umalis siya ng Pilipinas noong 2018. Isang pamilya pa lamang ang kanyang pinaglilingkuran—mula sa pagluluto at paglilinis hanggang sa paglalaba at maging pag-aasikaso ng mga party.

Ngunit kapag Linggo, nagtitinda siya ng mga segunda manong damit na karaniwang galing sa donasyon o hindi na ginagamit ng kanyang amo. Tatlong taon na niya itong ginagawa bilang sideline. Sa isang bungkos ng damit, maaari siyang kumita ng HK$500—katumbas ng humigit-kumulang ikasampung bahagi ng kanyang buwanang minimum na sahod.

“Marami ditong helper ang 60 o 65-anyos na at nagtatrabaho pa rin para sa minimum na sahod,” paliwanag ni Daniela. “Habang tumatagal, lumalaki rin ang pangangailangan ng pamilya namin sa Pilipinas, lalo na kung may anak na magkokolehiyo. Kaya marami ang nagsa-sideline para may pandagdag.”

Ayon kay Manisha Wijesinghe, executive director ng HELP for Domestic Workers, umaabot sa HK$4,990 kada buwan ang mi-
nimum na sahod ng migrant domestic worker sa Hong Kong. Maaaring mukhang malaki ito kapag ipinapalit sa piso, ngunit masalimuot ang sitwasyon. Marami sa kanila ang may utang pa sa recruitment agencies dahil sa mataas—at kung minsan ay iligal—na mga bayarin bago makaalis ng bansa.

Dito pumapasok ang tukso ng sideline. Subalit may kapalit ang pagtitinda sa bangketa sa Hong Kong. Mahigpit ang patakaran: bawal sa dayuhang domestic helper ang magkaroon ng ibang pagkakakitaan na wala sa kanilang kontrata. Ang hawking ay maaaring ituring na illegal employment. Kapag nahuli, maaaring maharap sa kaso, makansela ang kontrata, at maapektuhan ang visa.

Minsan nang naranasan ni Daniela ang takot na ito. Habang nagbebenta siya malapit sa isang istasyon ng tren, may lumapit na pulis. “Iniwan ko na lang ang mga gamit ko at tumakbo ako,” kuwento niya. “Alam naming bawal. Pero may mga pagkakataong wala ka nang ibang mapagpipilian.”

Walang opisyal na estadistika kung ilan ang nagha-hawking tuwing Linggo. Ngunit sa obserbasyon ni Daniela, tinatayang isa sa bawat sampung domestic helper ang naka-
subok nang magbenta ng segunda-manong damit—maaaring sa bangketa o online sa mga plataporma tulad ng Facebook Marketplace.

Ayon kay Myles Ng, founder at chief executive ng HelpBridge, isang business school para sa overseas Filipino workers sa Hong Kong, maraming migrant worker ang unang dumadayo roon para suportahan ang pamil-
ya sa Pilipinas. Ngunit habang tumatagal ang pananatili nila sa ibang bansa, natural lamang na magbago o lumawak ang kanilang mga layunin. Ang maliliit na sideline, aniya, ay maaaring maging hakbang patungo sa mas matatag na plano sa hinaharap.

Sa kaso ni Daniela, hindi lang basta pagtitinda ng damit ang kanyang iniisip. “Ngayon, gumagawa na ako ng mga cake,” sabi niya. “Pangarap kong makauwi sa Pilipinas at magtayo ng sarili kong panaderya.”

* * * * * * * * *

Email- [email protected]

OFW

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with