Pagpatay sa Amerikano naresolba agad ni Cardiño
NAGING matunog ang pangalan nitong bagong upong Director ng Police Regional Office-Negros Island Region (PRO-NIR) na si P/BGen. Romano Cardiño matapos na mapaghuhuli itong brutal na pumatay kay Marine biologist Kent Edward Carpenter at tangkang gumahasa sa asawa na naganap mismo sa loob ng bahay ng mga biktima sa may Barangay Ajong, Sibulan, Negros Oriental. Nang makarating sa tanggapan ni Cardiño ang pamamaslang sa dayuhan ay wala na itong sinayang na mga sandali at agad pinakilos ang mga kapulisan nito upang magsagawa ng imbestigasyon at backtracking sa lahat ng mga posibilidad na mapagkunan ng mga impormasyon upang matukoy nga itong mga salarin.
Hindi naman nasayang ang effort nitong si Cardiño dahil na rin sa tulong ng ilang residente ay natukoy nga itong 2 suspek. Agad na nalambat sina Mark Oracoy at Jal Filipinas sa magkakahiwalay na lugar. Ang pagkahuli sa 2 ang naging mitsa upang ma-presure pa ang ilan sa mga kasama nito na nagresulta nang boluntaryong pagsuko nito kay P/BGen. Cardiño itong sina Ciem Diputado at ang isa pang kasama nito na si Eric Lenihan. Hehehe!
Nang dahil sa mabilis na pagkilos at pagtutok ng PRO-NIR para masakote at magsadlak sa rehas na bakal itong mga salarin, umani ito ng paghanga sa kanyang mga kapwa opisyal ng Philippine National Police (PNP) sa ilalim na liderato ni PNP Chief P/Gen. Jose Melencio Nartatez. Kung nagkataon kasi na nagpatumpik-tumpik itong si Cardiño at nagpakaang-kaang abay, sigurado na naman na sa kangkungan ito lalagapak. Kaya’t sa ngayon nagkaroon nang pagtitiwala itong mga taga lalawigan ng Negros Island at maging ang mga dayuhan na may mga kapulisan na maasahan sa oras ng hindi inaasahang pangyayari. Bagama’t nawala itong isang tanyag na Marine Biologist na malaki ang naiambag sa pagkapanalo ng Pilipinas sa Arbitration Protest sa West Philippine Sea, hindi naman naging pabaya ang mga kapulisan sa pagresolba sa krimen at maibigay ang hustisya para sa mga kaanak ni Carpenter sa hinaharap.
Kaya kayo diyan sa Negros huwag na kayong magatubili na iparating o isumbong kay PRO-NIR Director P/BGen. Cardiño ang mga krimen at mga pusakal na gumagala sa inyong lugar upang mapadali ang kanilang pagkilos at pagsakote sa mga ito upang lubusang matamasa niyo ang kapayapaan sa inyong lalawigan.
Palaging tatandaan na ang inyong pagtitiwala sa inyong mga kapulisan ay indikasyon na maseserbisyuhan kayo ng ating mga kapulisan sa oras ng ating pangangailangan. At para naman kay PRO-NIR Dir Cardiño Sir, Saludo po tayo diyan. Palakpak naman dyan mga suki!
- Latest




















