^

PSN Opinyon

EDITORYAL — Magtipid sa paggamit ng tubig

Pilipino Star Ngayon

DAPAT ipatupad na ang pagtitipid sa paggamit ng tubig dahil patuloy na bumababa ang lebel ng tubig sa mga dam na pinagkukunan ng tubig. Patuloy ang nararanasang matin­ding init na inaasahang titindi pa hanggang katapusan ng Mayo. Kahapon naitala ang pina­kamatinding init sa Laoag City na pumalo sa  42°C. Naitala naman sa Dagupan City, Panga­sinan ang 44°C; Bacnotan, La Union, 42°C; Tuguegarao City, Cagayan – 42°C at Iba, Zambales, 42°C.

Dahil sa matinding init, bumaba ang level ng tubig sa Angat Dam. Ang Angat Dam ang nagsusuplay ng tubig sa Metro Manila at pinagkukunan din ng tubig para sa mga irigasyon sa Central Luzon. Ang pagbaba ng lebel ay dahil din sa banta ng El Niño na tatama ngayong 2026.

Ayon sa PAGASA, ang lebel ng tubig kahapon sa Angat Dam ay bumaba sa 182.54 metro. Ang lebel ay papalapit na sa 180-meter minimum operating level.

Bumaba na rin ang level ng tubig sa Ipo Dam Level na kahapon ay nasa 100.59 meters. Ang normal high water level ng Ipo Dam ay 101 meters.

Dahil sa pagbaba ng tubig, inanunsiyo na ititigil ang alokasyon ng tubig para sa irigasyon sa Bulacan at Pampanga simula Mayo 16, 2026, upang bigyang-prayoridad ang suplay sa Metro Manila.

Ang maingat na paggamit ng tubig ay nara­rapat nang gawin ng mamamayan para maiwasan ang kakapusan. Walang ibang solusyon kundi ang magtipid. Mas mainam na ngayon pa lamang ay magsimula nang magtipid sa paggamit ng tubig. Kung tatagal hanggang Mayo ang nararanasang init, lalo pang mababawasan ang tubig sa mga dam. Maaaring magkaroon ng ka­kapusan kung hindi papatak ang ulan sa kalagitnaan ng Mayo. Paano kung maging mailap ang ulan at magpatuloy ang init?

Magtipid na ang lahat sa paggamit ng tubig. Makiisa ang lahat. Mas magiging epektibo ang panawagan sa pagtitipid kung mauuna ang pa­mahalaan sa pagpapakita ng halimbawa. Si­mulan ng pamahalaan na ipag-utos sa lahat ng tanggapan na huwag hayaang bukas at tulo nang tulo ang mga gripo. Maraming government offices ang nag-aaksaya sa tubig.

Marami rin namang leak ang mga tubo ng gripo sa kalye at tila napapabayaan ng Maynilad at Manila Water. May mga lubak sa kalye na walang tigil ang daloy ng tubig.

Atasan ng DENR ang operator ng golf cour­ses na gumamit ng recycled water at hindi tubig na galing sa gripo. Mayroong 10 golf courses na nag-o-operate sa Metro Manila. Maraming tubig ang nasasayang dahil sa mga ito.

Maging halimbawa ang pamahalaan para tularan ng mamamayan sa pagtitipid ng tubig. Ipatupad ito upang hindi kapusin. Lubhang mahalaga ang tubig.

WATER

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with