Banta sa video, puntos sa prosekusyon
Nakapuntos ang prosekusyon sa impeachment trial nang kilalanin ng depensa na tunay ang video kung saan narinig ang mga pahayag ni Vice President Sara Duterte na iniuugnay sa pagbabanta laban kina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.
Mahalaga ang pag-aming ito. Hindi na pangunahing usapin kung peke, edited, o fabricated ang video. Ang tanong ngayon ay kung ano ang kahulugan at konteksto ng mga pahayag, at kung may sapat itong bigat upang suportahan ang Articles of Impeachment.
Hindi rin dapat palakihin nang lampas sa nararapat. Ang pagiging authentic ng video ay hindi awtomatikong patunay ng impeachable offense. Kailangan pa ring patunayan ng prosekusyon ang intensyon, kaugnayan, at epekto ng mga pahayag. Hindi sapat ang galit ng publiko. Kailangan ang direktang ebidensya.
Sa kabilang panig, hindi na maaaring umiwas ang depensa sa nilalaman ng video. Dahil kinilala nitong tunay ang recording, kailangan nitong ipaliwanag kung bakit ang mga pahayag ay hindi dapat ituring na seryosong banta at kung bakit hindi ito paglabag sa public trust.
Iyan ang tunay na punto ng trial. Hindi ito tungkol sa drama, sigawan, o grandstanding ng mga senador. Ang tungkulin ng impeachment court ay suriin ang ebidensya, pakinggan ang depensa, at magpasya batay sa rekord.
Malinaw din ang posisyon ng publiko. Sa nationwide survey ng RPMD Foundation Inc. na isinagawa noong Hulyo 1 hanggang 8, 2026 sa 5,000 botante, 85% ang sang-ayon na ituloy at tapusin ang impeachment trial. Hindi ito awtomatikong boto para sa conviction. Ito ay malinaw na panawagan para matapos ang proseso.
Sa ngayon, nakapuntos ang prosekusyon sa mahalagang puntong ito. Ngunit hindi pa tapos ang kaso. Ang depensa ay dapat sumagot, ang prosekusyon ay dapat magpatunay, at ang Senado ay dapat humatol. Walang shortcut. Walang pagtatago. Tapusin ang paglilitis, alinsunod sa Saligang Batas.
- Latest















