EDITORYAL - Napagbilhan ng Discaya vehicles, gamitin sa ayuda
PROBLEMADO ang pamahalaan kung paano mapagkakalooban ng ayuda ang mga drayber ng pampublikong sasakyan na naapektuhan ng pagtaas ng presyo ng langis. Ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), umabot na sa P41.6 bilyon ang naipapamahaging ayuda sa eligible PUV drivers. Bawat PUV drivers ay pinagkakalooban ng P5,000 na ayuda. Kabilang sa mga pinagkalooban ng ayuda ang 139, 218 service delivery drivers; 68,569 motorcycle taxi drivers at 40,166 transport network vehicles drivers.
Umaangal naman ang iba pang PUV drivers sapagkat hindi pa sila nakatatanggap ng ayuda. Wala umano sa listahan ang kanilang pangalan. Mayroong driver na namatay habang nasa pila makaraang atakehin sa puso.
Hindi masabi kung kailan ititigil ang pamamahagi ng ayuda sapagkat patuloy pa rin ang giyera sa Middle East. Patuloy pa rin ang pagtaas ng presyo ng diesel, gasoline, LPG at kerosene. Ayaw namang suspendihin ng pamahalaan ang excise tax sa petroleum products. Tanging excise tax sa LPG at kerosene ang inalis ni President Marcos sapagkat ito raw ang laging ginagamit ng mga Pinoy.
Kung aalisin ang excise tax sa diesel at gasolina, bababa ang presyo ng mga ito at malaking kaginhawahan sa mamamayan. Bababa ang presyo ng mga pangunahing bilihin. Pero hindi nagbabago ang pamahalaan—ayaw alisin ang excise tax.
Isa naman sa maaring pagkunan ng ayuda ay ang napagbilhan sa mga mamahaling sasakyan na ipinasubasta ng Bureau of Customs (BOC). Maraming sasakyan ang naisubasta at ang napagbilhan ay ipang-ayuda sa mga naapektuhan ng fuel crisis.
Ayon sa report, nakakolekta ang BOC ng P102 milyon mula sa mga mamahaling sasakyan ng mag-asawang Curlee at Sarah Discaya na mga sangkot sa maanomalyang flood control projects. Ayon sa BOC, siyam sa 13 sasakyang nasamsam mula sa mag-asawa ang naisubasta.
Kabilang sa mga naisubasta ang 2024 Lincoln Navigator sa halagang P6.950 milyon; 2022 Cadillac Escalade ESV sa halagang P6.623 milyon; at Bentley Bentayga sa halagang P12.178 milyon.
Inamin ng mga Discaya sa hearing ng Senado noong nakaraang taon na sila ang nagmamay-ari ng 28 mamahaling sasakyan. Si Sarah ang may-ari ng Alpha and Omega Construction Corp. na nakakopo nang maraming flood control project sa DPWH. Si Sarah ay nakakulong sa Lapu-Lapu City Jail, Mactan, Cebu dahil sa graft at malversation of public funds kaugnay sa P96.5-bilyong flood control ghost project sa Davao Occidental. Ang asawang si Curlee ay nakakulong sa Senado.
Gamitin ng pamahalaan ang napagbilhan sa mga mamahaling sasakyan ng mga Discaya. Mas madaling paraan ito kaysa magpasya kung aalisin ang excise tax sa petrolyo.
- Latest















