Arvin Amatorio: Pinoy na American mayor
Si Arvin Gomez Amatorio na kasalukuyang alkalde sa New Jersey sa Amerika ay ipina-nganak noong Hunyo 5, 1971 sa Baler, Aurora rito sa Pilipinas. Anak siya ng mag-asawang public school teacher. Lumaki siya sa isang pamilyang nagbibigay-halaga sa edukasyon at serbisyo publiko, at maaga pa lamang ay nahilig na sa argumento at debate. Kuwento niya sa isang panayam, bago pa siya mapagalitan ng kanyang ina ay may nakahanda na siyang paliwanag at lohikal na depensa. Sa murang edad, malinaw na sa kanya na ang batas ang tatahakin niyang landas.
Nagtapos siya ng kursong economics sa Colegio de San Juan de Letran at kumuha ng abogasya sa San Sebastian College-Recoletos sa Maynila. Kalaunan ay nagpatuloy pa siya ng pag-aaral sa Estados Unidos at nagtamo ng master’s degree in international relations mula sa Harvard University. Bago pa man mangibang-bansa, nagtrabaho siya noong 1996 sa Department of the Interior and Local Government at sa noo’y Economic Intelligence and Investigation Bureau ng Department of Finance.
Noong 2002, nagpasya siyang lumipat sa Estados Unidos. Tulad ng maraming bagong dating, nagsimula siya bilang instructor sa American Center for Career Training at kalaunan sa Inter-Borough College habang naghahanda para sa bar exam. Noong 2006, nakapasa siya at tinanggap sa New York Bar, at naging lisensiyadong abogado hindi lamang sa New York kundi pati sa mga federal court sa Southern at Eastern Districts nito.
Isa sa mga unang kasong humubog sa kanyang reputasyon ang Sentosa Case ng 27 Pilipinong nars at ang pagkatawan niya sa Republika ng Pilipinas sa pamamagitan ng Presidential Commission on Good Government sa isang forfeiture case sa US Southern District Court of New York. Sa mga kasong ito nasubok ang kanyang kakayahan bilang abogado at ang paninindigan niya sa usa-ping may kinalaman sa mga Pilipino.
Matapos ang halos isang dekadang paninirahan sa Bergenfield, nakita niya ang pangangailangan ng mas aktibong representasyon para sa komunidad, lalo na sa mga Filipino American.
Ang Bergenfield ay isang borough sa Bergen County, New Jersey na may populasyong humigit-kumulang 28,000 batay sa 2020 U.S. Census. Kilala ito sa pagiging isa sa mga pinaka-diverse na komunidad sa hilagang bahagi ng New Jersey, na may malaking populasyon ng mga Pilipino, Latino at Koreano. Sa ganitong kapaligiran niya nakita ang pagkakataong magsilbi hindi lamang bilang abogado kundi bilang halal na opisyal.
Una siyang nahalal sa Bergenfield Borough Council noong 2015 at muling nanalo noong 2018, at nagsilbi ring council president.
Noong 2019 ay tumakbo siyang alkalde at nanalo sa halalan. Nanumpa siya bilang mayor noong 2020 at muling nahalal noong 2023 nang walang kalaban para sa ikalawang termino mula Enero 1, 2024 hanggang Disyembre 31, 2027. Siya ang pa-
ngalawang mayor na may dugong Pilipino sa Bergenfield.
Sa personal na buhay, nakilala niya ang kanyang asawang si Ilya Evangelista-Amatorio habang pareho silang nagtatrabaho sa DILG noong 1996. Nagpakasal sila noong 2004 at may dalawang anak na sina Lance at Andrew.
Sa kabila ng abalang iskedyul sa munisipyo at sa larangan ng batas, sinisikap niyang maglaan ng oras sa pamilya, lalo na tuwing weekend. Mahilig din siyang magluto at ipinagmamalaki ang kakayahang makagawa ng bagong putahe mula sa mga natitirang sangkap sa refrigerator.
* * * * * * *
Email- [email protected]
- Latest















