Chamomile Tea: Para sa tulog, tiyan at nerbyos
Maraming tao ang nasisiyahan sa chamomile tea. Ito ang mga posibleng benepisyo sa pag-inom ng chamomile tea:
1. Maaaring mapabuti ang kalidad ng pagtulog - Ang Chamomile tea ay naglalaman ng apigenin, isang uri ng antioxidant na nagsusulong na makatulog ka. Sa isang pag-aaral, ang taong kumo-konsumo ng 270 mg ng katas ng chamomile tea 2 beses bawat araw sa loob ng 1 buwan ay nagkakaroon ng 33% na mas magandang tulog at mas mabilis makatulog ng 15 minuto kesa sa hindi umiinom nito.
2. Maaaring mapaayos ang panunaw mo - Limitado lamang ang ebidensya pero ayon sa ilang pag-aaral, ginagamit ito upang gamutin ang ilang mga karamdaman sa panunaw, kabilang ang pagduduwal at hangin.
3. Maaaring maprotektahan laban sa kanser - Ang isang uri ng antioxidant na matatagpuan sa chamomile tea ay naiuugnay sa mababang insidente ng ilang uri ng kanser, katulad ng kanser sa thyroid.
4. Maaaring may benepisyo sa pag-kontrol ng blood sugar – Hindi pa ito tiyak. Pero ayon sa isang pag-aaral ng 64 taong may diabetes, ang mga taong umiinom ng chamomile tea araw-araw sa loob ng 2 buwan ay mas bumaba ang antas ng blood sugar.
5. Maaaring makatulong sa puso - Ang chamomile tea ay sagana sa mga flavones, isang klase ng antioxidant na posibleng magpababa ng blood pressure at antas ng kolesterol.
6. Maaaring makatulong sa depresyon – May mga pagsasaliksik na ang chamomile ay posibleng mabawasan ang sobrang pangamba at depresyon.
Ang pag-inom ng chamomile tea ay ligtas para sa maraming tao. Bihira lang kaso na nagkakaroon ng allergy.
* * * * *
4 prutas para sa hindi makarumi
Maraming tao ang hindi makarumi ng regular. Ang tawag dito ay constipation o pagtitibi. Ang pagtitibi ay puwedeng magpalala ng sakit sa puso, luslos at hemorrhoids.
Ang mga buntis, kababaihan at may edad ay madalas hirap makarumi. Hindi namin pinapayo ang pag-inom ng gamot o herbal tea para makarumi. Sa katagalan ay makasasama ito.
May mga prutas na mabisang lunas para sa hindi makarumi. Subukan niyo ang 4 na prutas na nag-uumpisa sa letrang “P”.
1. Pakwan – Ang pakwan ay may taglay na 92% alkaline water. Mataas ito sa vitamin A, Vitamin B, Vitamin C, lycopene at potassium. Ang pagkain ng 2 hiwa ng pakwan sa maghapon ay puwede nang magpalambot ng dumi. May benepisyo din ang pakwan para sa bibig, sikmura at bituka. Makatutulong ito sa may singaw at bad breath (mabaho ang hininga).
2. Papaya – Ang papaya ay napakabisang prutas para sa hindi makarumi. Kapag kumain ka ng 1 o 2 hiwa ng papaya ay siguradong lalambot ang iyong dumi. Kapag matamis ang papaya ay mas mabisa ito. May sangkap na papain ang papaya, isang enzyme na nakatutulong sa paglambot ng dumi. Mataas din sa vitamin C ang papaya kaya masustansya ito. Huwag lang sosobrahan ang pagkain at baka magtae ka naman.
3. Peras (Pears) – Ang peras ay mayaman sa fiber at sorbitol na makatutulong sa pagdumi. Ang fiber ay nagbibigay ng hugis (o bulk) sa dumi. Ang sorbitol naman ay nagbibigay ng tamis sa peras at naghahatak ng tubig sa loob ng bituka para lumambot ang dumi. Ayon kay Dr. Jay Hoecker ng Mayo Clinic, puwedeng bigyan ng peras ang mga sanggol at bata na hindi makarumi. Ang 2 hanggang 4 na onsa (ounce) ng katas ng peras ay maaaring makatulong sa pagdumi ng bata.
4. Prunes – Sa Pilipinas, makabibili tayo ng prune juice at dried prunes sa mga supermarkets. Ang prunes ay matagal nang lunas para sa pagtitibi. Tulad ng peras, may taglay na fiber, sorbitol at antioxidants ang prunes. Sa bawat kalahating baso ng prune juice (100 ml) may sangkap itong 6.1 grams ng sorbitol. Dahil dito, napapalambot ng prunes ang dumi. Ayon sa mga eksperto, may tulong din ang prunes sa buto at sa pag-iwas sa osteoporosis.
Kaya tandaan natin ang apat na prutas na nabanggit para maiwasan ang pagtitibi at maging malusog ang ating katawan.
- Latest
















