^

PSN Opinyon

‘Bigo ang Yamang Minerals Corporation’

GO NORTH - Artemio Dumlao - Pilipino Star Ngayon

Sa Sal-lapadan, Abra, hindi lang tumanggi ang mga katutubo— tinuldukan nila ang ilusyon na puwedeng ipilit ang pagmimina sa lupaing hindi pumapayag.

Sa iisang malinaw at nagkakaisang tindig, binasag ng siyam na barangay ng Sal-lapadan ang ambisyon ng Yamang Mineral Corporation.  Isa itong matapang na deklarasyong hindi nila pinapayagang masira ang kanilang kapaligiran sa ngalan ng kita mula sa ginto.

Ilang dekada na ring paulit-ulit ang naratibo ng mga dam­buhalang kumpanya ng pagmimina— trabaho, kita, progreso. Ngunit ang pangako’y kapalit ang sirang kalikasan, nabubu­rang kultura, at progreso lamang ng iilan at hindi ng komu­nidad at mamamayan.

Hindi na ito bago sa Cordillera. Ang aral ay nabuo sa mga damdamin ng mga katutubo ng Sal-lapadan, Abra.

Sapagkat ang Free, Prior and Informed Consent (FPIC) ay sandata ng mga katutubo laban sa panggigipit ng mala­laking interes. Ginamit ng mga katutubo ng Sallapadan hindi bilang pormalidad kundi bilang paninindigan.

Malinaw na walang puwang ang pagmimina kung ang mismong may-ari ng lupa ang kolektibong tumatanggi.

Ang pagmimina sa mga lupang ninuno ay hindi lamang isyu ng permit kundi usapin ng pahintulot mula sa konsensya. Sa panahong mas mulat na ang mga komunidad, hindi na sapat ang mga pangakong hindi naman pinapanindigan.

Magsisilbi sanang aral ang ehemplo ng katutubo ng Sallapadan sa iba pang mga bayan sa Abra na may apli­kasyon ng pagmimina ang YMC gaya ng Licuan-Baay, Lacub, Malibcong at kung saan pa.

Inspirasyon din sana ang paninindigan ng mga taga Salla­padan sa mga iba pang bayan sa rehiyong Kordilyera at buong Pilipinas na ipagtanggol ang lupa kontra sa pam­bubusabos sa ngalan ng kita at ganansya ng iilan.

Ang tunay na kaunlaran ay hindi sinusukat sa rami ng na­hukay na ginto, kundi kung ano ang nananatiling rekurso na magsisilbi para sa kinabukasan at kapakanan ng karamihan.

* * * * *

Para sa komento: [email protected]

CORPORATION

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with