^

PSN Opinyon

EDITORYAL — Dumami ang walang trabaho

Pilipino Star Ngayon

INIULAT kamakailan ng Philippine Statistics Authority (PSA) na tumaas sa 5.4 percent ang unemployment rate ng bansa noong nakaraang Setyembre 2026.

Katumbas ito ng 2.86 milyong Pilipinong walang trabaho, halos 900,000 na mas marami kaysa noong Setyembre 2025.

Hindi lang ito simpleng pagtaas ng numero.

Ipinakikita nito na hindi sapat ang bilis ng paglikha ng trabaho para sa rami ng mga Pilipinong naghahanap nito.

Sa 1.63 milyong nadagdag sa labor force sa loob ng isang taon, 721,000 lamang ang nakahanap ng trabaho habang 909,000 ang naging unemployed.

Iyan ang dapat pagtuunan ng gobyerno. Hindi sapat na sabihing may nadaragdag namang trabaho.

Ang tanong ay kung sapat ba ang mga ito para sa lumalaking workforce, lalo na sa mga kabataang bagong pumapasok sa labor market.

Halos 988,000 kabataang edad 15 hanggang 24 ang nadagdag sa labor force, pero hindi lahat ay nakahanap ng trabaho.

Ngayong taon na ito, maraming bagong graduate sa kolehiyo at tiyak na makadaragdag sila sa mga walang trabaho.

Ayon sa report, tinatayang 700,000 hanggang 800,000 ang mga nagtatapos ng kolehiyo taun-taon. Sa rami ng mga nagtapos, malaking problema kung saan sila hahantong.

Tiyak na mapapabilang sila sa mga “nagbibilang ng poste” at aasa pa rin sa kani-kanilang mga magulang. Pagkaraang mag-aral ng apat o limang taon, wala rin palang mapapasukang trabaho.

May isa pang babala: humina ang construction sector at nawalan ito ng 271,000 trabaho.

Iniuugnay ito sa mabagal na government construction projects at mataas na presyo ng materyales.

Kapag bumabagal ang mga industriyang kayang kumuha ng maraming manggagawa, mas mahirap saluhin ang mga bagong naghahanap ng trabaho.

At kahit may trabaho na ang ilan, 5.56 milyon pa rin ang “underemployed”, ito ang mga manggagawang naghahanap pa ng dagdag na oras o kita.

Kaya hindi dapat unemployment rate lang ang tinitingnan.

Mahalaga rin kung sapat ang kita, matatag ang trabaho, at may oportunidad para sa mga bagong graduate at manggagawang gustong umasenso.

Hindi sapat na sabihing may trabaho. Ang tunay na hamon ay lumikha ng sapat, matatag at maayos na trabaho para sa dumaraming Pilipinong naghahanap ng pagkakataon.

TRENDING

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with