Joint oil exploration sa Tsina? Eh ‘d wow!
Mainit ang balita na bukas sa pakikipag-usap si Pangulong Bongbong Marcos Jr. sa China para sa isang “joint oil and gas exploration.” Ito ay sa gitna ng isang global oil crisis na nagbunga ng pagsirit ng presyo ng petrolyo at kakulangan sa supply ng langis sa ating bansa.
Marami ang tumaas ang kilay. Ano raw? Makikipag-joint oil exploration tayo sa bansang sinasakop ang ating karagatan at inaabuso ang ating mga mangingisda?
Balikan natin ang kasaysayan dahil mukhang may amnesia ang ilan. Noong panahon ni Gloria Macapagal-Arroyo, sinubukan na ito sa ilalim ng Joint Marine Seismic Undertaking (JMSU), kasama ang China at Vietnam. Ang resulta? Sinupalpal ng Supreme Court at hinatulang unconstitutional. Bakit? Sumasakop ang kasunduan sa malaking bahagi ng West Philippine Sea at sa ating exclusive economic zone (EEZ). Malinaw ang Konstitusyon: tayo lamang ang may full control at supervision sa natural resources sa ating nasasakupan.
Umeksena naman si Rodrigo Duterte, ang self-proclaimed “best friend of China.” Sagad na tuta ng Tsina, sinubukan niyang buhayin ang parehong ideya. Ang ending? Gumuho. Papayag lamang ang China sa joint oil exploration kung ito ay hindi nakabatay sa Philippine at international law na magreresulta sa pagkilala sa 2016 Arbitral Ruling. Ayaw din nito na tayo ang may buong kontrol sa langis at limitado ang papel nila bilang foreign service contractor. Dahil dito, tahimik na tiniklop ito ni Duterte.
Ngayon, sa ilalim ni Marcos Jr., muling binubuhay ang ideya. Sabi ng ilan, tugon raw ito sa krisis. Hello! Maraming taon pa ang bibilangin bago mapakinabangan ang oil exploration. Hindi ito isang gripo na bubuksan at dadaloy agad ang langis.
So, ano talaga ang layunin? Nabalita, gusto raw i-“reset” ng Pangulo ang relasyon sa China. Walang problema dito, ngunit hindi dapat kabayaran ang ating pambansang interes.
Hindi masama ang joint oil exploration. Ngunit bakit tayo makikipag-joint exploration sa isang foreign invader at aggressor? Bakit tayo kukuha ng batong ipupukpok sa sarili nating mga ulo? Kung may sinseridad ang China, lisanin na muna nito ang West Philippine Sea at itigil ang pandarahas sa ating mga mangingisda at frontliners. Kung hindi, ang anumang joint oil exploration sa pagitan ng China ay isang katangahan at kataksilan.
- Latest















