Maaasahang suplay ng kuryente at ang serbisyo-publiko

Kaawa-awa ang mga kababayan natin sa Tagum City, Island Garden City of Samal, at ilang mga munisipalidad ng Davao del Norte at Davao de Oro na matagal nang nakararanas ng suliranin sa suplay ng kuryente.
Sa loob ng mga nakaraang taon, maraming reklamo laban sa Northern Davao Electric Cooperative (NORDECO) kaugnay sa umano’y hindi matatag na serbisyo at madalas na brownout—mga problemang nakakaapekto sa kabuhayan, negosyo, at pang-araw-araw na pamumuhay ng mga konsyumer.
Batay sa datos na inilabas ng Partners for Affordable and Reliable Energy (PARE), iniulat na ang NORDECO ang isa sa may pinakamataas na singil sa kuryente sa Mindanao. Noong Enero 2026, umabot umano ito sa P14.80 kada kilowatt-hour.
Ayon din sa parehong datos, ang kabuuang tagal ng brownout ng NORDECO ay umaabot sa 242 minuto kada buwan, at may average na 4.9 na insidente ng brownout bawat buwan.
Kung ihahambing sa Davao Light and Power Company -- na may iniulat na 209 minutong kabuuang brownout sa loob ng isang taon at 3.1 insidente bawat taon -- malinaw ang malaking pagkakaiba sa performance ng dalawa.
Ayon sa ilang sector, malaki tuloy ang nawawala sa ekonomiya — mula sa turismo, agrikultura, negosyo, at maging sa public services — dahil sa hindi stable na suplay ng kuryente sa mga lugar na sakop ng NORDECO.
Naniniwala naman ang NORDECO na ang kanilang prangkisa ay may proteksiyon sa ilalim ng batas. Sabi rin ng kooperatiba, ang Republic Act No. 12144 na nagpapalawak sa prangkisa ng Davao Light ay dapat umanong isaalang-alang ang kapakanan ng kanilang mga miyembro-konsyumer.
Dagdag pa ng NORDECO, ang kanilang pagtutol ay hindi simpleng pagmamatigas kundi bahagi ng kanilang paggamit ng mga legal na remedyo upang malinawan ang saklaw at epekto ng batas sa kanilang operasyon.
Ngunit kamakailan, idineklara na ng Korte Suprema na konstitusyonal ang RA 12144, at nilinaw na ang franchise rights ay “not absolute.” Dahil dito, puwede nang simulan ang implementasyon ng batas at ang planong transisyon ng mga lugar na sakop nito.
Nagkaroon din ng usapin hinggil sa pag-takeover ng distribution assets sa Island Garden City of Samal, na isinagawa alinsunod sa kautusan ng Regional Trial Court Branch 4 sa Panabo City.
Sa puntong ito, higit na mahalaga ang maayos, mahinahon, at organisadong transisyon na nagbibigay-prayoridad sa kapakanan ng mga konsyumer. Ang pangunahing layunin ay ang masiguro ang maaasahan, tuluy-tuloy, at episyenteng suplay ng kuryente sa mga apektadong komunidad.
Ngayong malinaw na ang desisyon ng Korte Suprema, panahon na upang igalang ng lahat ng panig ang proseso ng batas at magtulungan para sa maayos na pagpapatupad ng RA 12144.
Sa huli, hindi ito dapat maging labanan ng mga institusyon, kundi isang pagkakataon upang maitaguyod ang mas mahalagang serbisyo publiko para sa mga mamamayan ng Davao del Norte at Davao de Oro.
----
Sundan ang aking social media accounts JingCastaneda: Instagram, Facebook, YouTube, Tiktok at Twitter. Para sa inyong mga tanong, kuwento at suhestiyon, mag-email sa [email protected].
- Latest















