EDITORYAL — ‘Leak’ sa licensure exams for teachers

NAGHAHATID ng pangamba ang report mula sa EDCOM 2 na may mga item mula sa March 2023 Board Licensure Examination for Professional Teachers na nag-leak sa online. Hindi ito simpleng report na dapat balewalain. Seryosong isyu ito na dapat imbestigahan at nang malaman ang katotohanan. Totoo bang nagkaroon ng leak on line sa 2023 licensure examination? Sino ang responsable at nagkaroon ng leak? Paano nagawa gayung sinasabi ng Professional Regulations Commission (PRC) na ubod sila nang higpit. Katunayan daw mga miyembro ng board ay karaniwang naka-quarantine habang binubuo ang questionnaire. Imposible raw na manggaling sa PRC ang leak.
Isa sa mga labis na nabahala ay si Sen. Sherwin Gatchalian ukol sa mga alegasyon ng leakage sa mga professional licensure examinations na pinangangasiwaan ng Professional Regulation Commission. “The point of coming up with an examination for professionals is to ensure that we have doctors, engineers, or teachers who are qualified. Nakakatakot na mamatayan tayo dahil lang may leakage kaya nakapasang doktor o gumuho ang mga building dahil nakapasa na engineer dahil sa leakage. Even though it’s an allegation, I’m very much concerned because we spend so much in regulating these professions and so much time in making laws,” sabi ni Gatchalian sa pagdinig sa Senado.
Tama ang sinabi ni Gatchalian na napakadelikado kung ang pumasa sa licensure examination ay nakinabang sa “leak”. Ano ang aasahan kung ang isang engineer, architect, doktor at teacher ay nakapasa dahil sa pandaraya.
Kung ang engineer ay pumasa dahil sa daya, delikadong ang kanyang mga ginawang isruktura ay bumagsak. Paano kung ang doktor ay pumasa dahil sa daya, posibleng mamatay ang pasyente dahil wala siyang sapat na nalalaman sa medisina.
Hindi lamang doktor, arkitekto o engineer ang maaring mapasama kung nakapasa dahil sa leak. Kabilang din dito ang mga teachers. Sa totoo lang mas mabigat kung ang mga teacher ang makapasa dahil sa daya o leak.
Ano ang ituturo ng mga guro kung pumasa siya sa licensure examination dahil sa pandaraya? Ano ang itatanim niya sa kaisipan ng kanyang mga estudyante kung siya ay nakapasa dahil sa pandaraya?
Natuklasan ng Second Congressional Commission on Education (Edcom 2) noong nakaraang Enero 18, 2025 na 70 percent ng Grade 3 pupils ang hindi marunong bumasa. Natuklasan din na bumaba sa 19.56 percent ang proficiency sa ginawang 2024 National Achievement Test sa Grade 6 pupils.
Hindi kaya epekto ito ng mga mahihinang guro? Dapat kumilos ang DepEd sa bumababang kalidad ng edukasyon. Mag-hire ng mga mahuhusay na guro.
- Latest
















