Tips para tumalino
1. Gamitin lagi ang utak. Sumagot ng mga crossword puzzles at Sudoku. Maglaro ng chess. Subukang magkuwenta sa pamamagitan ng isip at huwag nang gumamit ng calculator. Paganahin ang iyong utak.
2. Kumain ng brain food o mga pagkaing mabuti sa utak. May mga pag-aaral na nagpapakita na may tulong ang pagkain ng: Isang dakot ng mani bawat araw dahil may good oils ito na nagpapataas ng serotonin levels; Matatabang isda tulad ng tilapia, sardinas at salmon na may omega-3; Olive oil at avocado na may omega-3; at dark chocolate na may flavonoids na pinapanatiling bata ang ugat.
3. Mag-internet at mag-search sa Google. May pagsusuri na nagpapakita na nakakatalino ang pag-surf sa internet. Kahit bata man o may edad, napatunayan sa brain scans na ang paggamit ng internet ay nagpapagana ng ating utak.
4. Umiwas sa alak. Ang pag-inom ng sobrang alak ay nakababawas ng brain cells. Hihina ang iyong memorya. May sakit na kung tawagin ay “alcoholic dementia”. Ang ibig sabihin nito ay nagiging ulyanin ang pasyente dahil nabababad ang kanyang utak sa alcohol.
5.Umiwas sa paninigarilyo. Ang paninigarilyo ay nagpapahina sa memorya at pinagmumulan din ng kanser sa baga, lalamunan, bibig at iba pang malubhang sakit.
6. Piliting mag-aral kahit nahihirapan. Kahit hindi gaano maintindihan ang iyong leksiyon, pagtiyagaan pa rin ito. Sa English class, magbasa lang ng libro. Sa Mathematics, mag-practice sa pagsagot sa mga tanong para maging bihasa. Maya-maya, magugulat ka na lang at naiintindihan mo na pala.
7. Mangarap o mag-daydream. Okay lang ang mangarap ng gising. Kung ang pangarap mo ay maging isang piloto, abugado o doktor, isipin mo kung paano ito magkakatotoo.
Ayon sa psychologists, kapag lagi mong inaasam ang isang bagay, gagawa ng paraan ang iyong utak at katawan na magkatotoo ito. Lahat ng nagtagumpay ay nag-umpisa lamang sa isang pangarap.
8. Protektahan ang iyong ulo. Huwag hayaang mauntog o masuntok ang iyong ulo. Magsuot ng helmet habang nagmomotorsiklo, nasa sports o nagtatrabaho.
Sa mga may edad, mag-ingat sa paglalakad at baka ika’y matumba at mauntog ang iyong ulo.
9. Uminom ng vitamin B complex na may folic acid. Ayon sa bagong pagsusuri, ang pag-inom ng vitamin B complex ay maaaring magpabagal sa pagkakaroon ng Alzheimer’s disease at pagiging makalimutin.
Hindi lang iyan, sa mga nagbubuntis, kailangan ninyong uminom ng vitamin B with folic acid para hindi magkaroon ng brain damage (neural tube disorder) ang iyong anak.
10. Bantayan ang blood pressure, cholesterol at blood sugar. Kailangan ay normal ang lahat ng ito para manatiling maganda ang daloy ng dugo sa utak. Kung mayroon nararamdaman, magpatingin sa doktor.
Narito pa ang mga pagkaing pampatalino:
1. Matatabang isda – Ang mga oily fish ay ang tuna, tilapia, salmon, sardinas, tamban at taba ng bangus. May taglay itong omega-3 fatty acids na nagpapaganda ng daloy ng dugo. Dahil dito, mababawasan ang tsansang magkaroon ng sakit sa stroke at atake sa puso. Subukang kumain ng 4 ounces ng isda tatlong beses kada linggo.
2. Itlog – Ang itlog ay mataas sa choline, isang kemikal na kailangan ng mga bata para mag-develop ang kanilang utak at memorya. Mataas din sa vitamin A, iron at folate ang itlog. Puwedeng pakainin ang bata ng 1 itlog bawat araw. Ngunit kung may sakit sa puso o mataas ang kolesterol, limitahan ang pagkain ng itlog sa 3 itlog bawat linggo.
3. Kape – Makatutulong ang kape para maiwasan ang Alzheimer’s disease at panghihina ng isipan. May sangkap na antioxidants at caffeine ang kape. May tulong din ang kape sa pag-memorya ng inaaral pero panandalian lang ang epekto nito. Puwedeng uminom ng 1 o 2 tasang kape sa maghapon. Huwag din sosobrahan at baka bumilis ang pagtibok ng puso.
4. Abokado – Ang abokado ay mayaman sa vitamin B at healthy fats (monounsaturated fats) na nagpapaganda ng daloy ng dugo sa utak. May mga pagsusuri sa hayop na nagpapakita na ang abokado ay nakababawas sa stroke at nakakababa ng blood pressure.
- Latest















