Hindi na kami tahimik
HINDI na bago ang kuwento: may krisis sa pamahalaan, kaliwa’t kanang disinformation, at tila bang kung sino pa ang may kapangyarihan, sila pa ang pinaka-relax.
Pero kahapon, Disyembre 7, may nangyaring hindi mo puwedeng palampasin daang-daang kabataan mula sa Metro Manila ang nagtipon sa PETA Theater Center para sa forum na EMERGED, isang espasyong sigaw na sigaw ang mensahe: tama na ang panloloko; panahon na para lumaban.
Organisado ng DAKILA, Active Vista, PAHRA, PETA, at DKA Austria, ang forum ay parang charging station ng henerasyon ngayon. Hindi ito seminar na puro powerpoint at antok.
Hindi ito lecture na para bang papagalitan ka. Ito ‘yung klaseng pagtitipon na may halong galit, creativity, musika, at talino—isang kombinasyon na kayang umuga sa sistemang gustong panatilihing tahimik ang kabataan.
Tatlong taon nang ginagawa ang Youth Emerge, pero ngayong taon, ramdam mo ang bigat. Kasi totoo na: mas maingay na ang kabataan kaysa sa mga opisyal na dapat nagtatanggol sa atin. At sa panahon ngayon, lakas ng loob na ‘yan ang mas kailangan.
Hindi nagpa-cute ang mga speaker. Hindi sila nag-deliver ng inspirational quotes na pang-bullet journal lang.
Nandun sina Kiko Aquino Dee, Wynona Galvez, Kenneth Abante, Elijah Canlas, at Cong. Renee Co—at bawat isa, bumanat ng realidad na hindi mo matatakasan.
Usapang pananagutan. Usapang korapsyon. Usapang malasakit. Usapang kung bakit hindi ka dapat maging neutral sa panahon ng kalokohan.
At sa gitna ng lahat ng ‘yan, may linya si Joshua Barbo ng DAKILA na parang sampal pero gising.
“Hindi sapat ang galit. Kailangan natin ng kabataang kayang gawing organisado, sama-samang pagkilos ang galit ang uri na hindi komportable sa makapangyarihan.”
‘Yan ‘yung tumatama. Kasi sa totoo lang, madali magalit. Madali magrant. Madali magpost. Pero iba ang galit na may direksiyon. Iba ang galit na nagbubukas ng pinto para sa pagbabago.
Kung akala mo art performances lang, hindi. Tumalab ang tugtog nina Fritterkarma, MoroBeats, Gab Cabangon, at Ja Quintana hindi dahil catchy o emo, kundi dahil may pinapatamaan.
Sining bilang megaphone. Sining bilang sigaw. Sining bilang paraan para ibalik ang pag-asa na pilit inaalis sa atin.
May “power workshops” din na hindi para palubog sa lecture, kundi para magturo kung paano babanatan ang disinformation, paano lumaban kung walang nakikinig, paano magsimula ng pagbabago sa barangay, sa campus, sa komunidad.
Hindi ito motivational talk. Ito ‘yung “eto ang problema ano ang gagawin natin?” na klaseng usapan. At ‘yan ang punto ng lahat. Ayaw ka nilang maging panganib. Hindi dahil may hawak kang placard o gumawa ka ng spoken word ay rebelde ka.
Nagiging “mapanganib” ka kasi hindi ka na madaling paikutin.
Kaya mahalaga ang EMERGED. Kasi pinapaalala nitong hindi ka taga-panoood lang sa political circus ng bansa. Ikaw ang may pinakamalaking stake. Ikaw ang may kinabukasan na ninanakaw. Ikaw ang dapat kumikilos.
May nagsabi nga roon: “Ang mabuting pamamahala hindi hinihintay—itinatayo.”
At tama naman. Hindi ito mangyayari kung puro reklamo tayo pero walang gawa. Hindi ito mangyayari kung hahayaan nating manalo ang pagsisinungaling. Hindi ito mangyayari kung hindi tayo aakto.
Pero sa araw na ito, malinaw. Kumikilos na ang kabataan. At parang ayaw na nilang umatras.
Disklaymer: Ang artikulong ito ay opinyon at repleksiyon ng may-akda batay sa kaganapan ng EMERGED Youth Forum. Hindi ito kumakatawan sa opisyal na posisyon ng alinmang organisasyon o institusyon.
- Latest















