^

PSN Opinyon

Hatol

IKAW AT ANG BATAS - Atty. Jose C. Sison - Pilipino Star Ngayon

Ang kasong ito ay isa na namang halimbawa ng bagong uri ng panggagahasa laban sa kababaihan na tinutukoy sa ilalim ng Republic Act No. 7610, na nag-amyenda sa Article 266-A ng Revised Penal Code. Ang batas na ito ay nagbibigay-diin sa pang-aabusong seksuwal, kahit hindi naganap ang aktwal na pakikipagtalik, basta’t mayroong paggamit ng pu­wersa o pagbabanta laban sa biktima.

Ang biktima sa kasong ito ay si Maria (hindi tunay na pa­ngalan), at ang akusado naman ay si Kevin, isa sa mga kar­pinterong nagtrabaho sa bahay ng pamilya ni Maria. Nakatira si Kevin sa kalapit na barangay at, ayon sa mga tala, nagkaroon siya ng lihim na paghanga kay Maria nang hindi ito alam ng babae.

Kahit matapos ang konstruksyon ng bahay, hindi pa rin daw makalimutan ni Kevin si Maria. Isang gabi ng malakas na ulan, habang si Maria ay pauwi na at humigit-kumulang sampung metro na lang ang layo sa kanilang bahay, bigla siyang sinalubong ni Kevin mula sa madilim na bahagi ng kalsada.

Nabigla si Maria at mahinahong tinanong si Kevin kung may problema, at inanyayahan pa siyang maghapunan sa kanilang bahay. Ngunit bigla siyang tinakot ni Kevin, sabay banta na “manahimik ka o papatayin kita.” Hinila ni Kevin si Maria patungo sa gilid ng simbahan.

Doon, pinahiga niya ito sa lupa, pinigilan ang mga braso­ gamit ang kanyang tuhod, at sapilitang hinubaran ng shorts at underwear gamit ang isang kamay. Habang pilit na hina­­halikan ni Kevin ang mukha at tainga ni Maria, patuloy namang nagpumiglas si Maria—sinubukan niyang sipain, suntukin, at sumigaw para humingi ng tulong.

Subalit dahil sa lakas ng ulan, hindi siya narinig ng sinuman. Sa kabila ng kanyang pagtutol, nagawa ni Kevin na ipasok ang kanyang daliri sa ari ni Maria laban sa kanyang kagustuhan. Nang medyo lumuwag ang pagkakahawak ni Kevin, nakawala si Maria at agad na tumakbo pauwi.

Pagdating niya sa bahay, nakita siya ng kanyang ina na halos hubad, may dugo sa kanyang mga binti, at balot ng putik. Agad na nagsumbong ang kanyang ina sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya. Kinabukasan, sumailalim si Maria sa medical examination.

Ayon sa doktor, natagpuan ang sariwang punit sa kanyang hymen—matibay na patunay na siya ay nakaranas ng pang-aabusong sekswal. Dahil dito, sinampahan si Kevin ng kasong rape by sexual assault, na tumutukoy sa sapilitang pagpasok ng anumang bagay o instrumento sa ari ng isang tao laban sa kanyang kagustuhan.

Sa paglilitis, iginiit ni Kevin ang alibi na siya raw ay nasa kanilang barangay at nakikipag-inuman sa mga kaibigan matapos dumalo sa burol ng kamag-anak. Aniya, umuwi siya bandang 7:30 ng gabi at nakita pa ng kanyang hipag na agad siyang natulog.

Ngunit hindi ito pinaniwalaan ng hukuman dahil maaari pa rin siyang makapunta sa lugar ng krimen sa loob lamang ng tatlumpung minuto gamit ang traysikel. Bukod dito, malinaw na nakilala siya ni Maria dahil dati na itong nagtatrabaho sa kanilang bahay bilang karpintero.

Dahil dito, hinatulan ng Regional Trial Court (RTC) si Kevin na guilty of rape by sexual assault, at ipinataw ang parusang pagkakakulong mula 4 taon, 2 buwan, at 1 araw hanggang 6 taon at 1 araw, at pagbabayad ng ?30,000 bawat isa para sa civil indemnity, moral damages, at exemplary damages. Umapela si Kevin sa Court of Appeals (CA) ngunit pinagtibay ng appellate court ang desisyon.

Muling umapela si Kevin sa Supreme Court (SC) at iginiit na walang sapat na ebidensya ng puwersa o pananakit dahil walang bakas ng depensa sa katawan ni Maria. Gayunman, hindi rin pinaniwalaan ng SC ang kanyang argumento. Ayon sa Korte Suprema, malakas at kapanipaniwala ang salaysay ni Maria, at ang mga natuklasan ng mababang hukuman ay dapat igalang.

Binanggit ng SC na ang mahalagang elemento ng rape by sexual assault ay ang “pagpasok ng anumang bagay o instrumento sa ari o puwitan ng isang tao laban sa kanyang kagustuhan.”

Ipinahayag ng hukuman na ang ginawa ni Kevin ay malinaw na paglabag sa batas, kaya’t pinagtibay ang hatol na siya ay may sala sa kasong rape by sexual assault alinsunod sa Article 266-A, Paragraph 2 ng Revised Penal Code, na tinatawag din na instrument or object rape o gender-free rape (Carrera vs. People, G.R. 217804, September 2, 2015)

HATOL

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with