Tumakas sa impiyerno ng scam
Parang eksena sa pelikula, pero totoo. Isa-isa nang tumatakas ang mga kababayan natin mula sa impiyernong buhay sa mga online scam hub sa Myanmar matapos salakayin ng mga awtoridad ang notoryosong KK Park sa Myawaddy, malapit sa hangganan ng Thailand.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), kabilang ang mga Pilipino sa mahigit 1,000 banyagang nagtatakbuhan mula sa lugar matapos ang matinding raid ng mga pulis at sundalo noong Oktubre 20. Sa ngayon, may 222 kababayan ang humingi na ng tulong para makauwi, ayon sa embahada ng Pilipinas sa Yangon.
Sa bilang na ’yan, 66 ang nakatawid na sa Thailand habang siyam naman ang nakarating sa Yangon at kasalukuyang inaalagaan ng embahada. Ang iba, nakakulong pa sa mga holding camp habang inaayos ang mga papeles para ma-deport pabalik ng Pilipinas.
Ang DFA, kasama ang Department of Migrant Workers (DMW), ay patuloy na nakikipag-ugnayan sa mga opisyal ng Myanmar at Thailand para mapabilis ang ligtas na pagpapauwi ng ating mga kababayan.
Sabi nga ng isang opisyal, “Hindi namin iiwan ang mga Pilipinong naiipit sa mga scam hub. Gagawin namin ang lahat para makabalik sila sa kanilang pamilya.”
Ayon sa mga ulat, ang KK Park ay matagal nang kilala bilang pugad ng mga sindikatong gumagamit ng mga dayuhan kabilang na ang mga Pilipino para sa mga online scam na kumakalat sa buong Asya.
Marami sa kanila, pinangakuan ng magandang trabaho, pero pagdating doon, itinutulak sa sapilitang paggawa at online scam operations.
Ngayon, habang ang ilan ay nakaligtas na, marami pa rin ang na-trap sa gitna ng takot at pang-aabuso, umaasang maririnig ang kanilang sigaw mula sa gobyerno at sa sambayanang Pilipino.
Kung may kakilala kang Pilipino sa Myanmar o sa mga katabing lugar na biktima ng ganitong scam, makipag-ugnayan agad sa Philippine Embassy sa Yangon para humingi ng tulong sa repatriation.
Disklaymer: Ang artikulong ito ay para sa layuning pang-impormasyon at pagbibigay-kamalayan. Wala itong intensiyong manira ng sinuman o anumang institusyon. Lahat ng pahayag ay batay sa mga opisyal na ulat ng DFA at ng Philippine Embassy sa Yangon.
- Latest















