‘Wag n’yo kaming gawing tanga, Boss
HANGGANG kailan ba tayo ganito? Paulit-ulit na lang bagong opisyal, bagong drama, parehong modus. Ngayon, si Cong. Leandro Leviste na naman ang boses ng mga sawang mamamayan. Sabi niya, “Hindi lang si Usec. Perez ang may koneksiyon sa mga kontraktor.”
Ayun naman pala eh — hindi pala isa, kundi marami! Eh di parang buong barkadahan sa DPWH, may kanya-kanyang “kakilala.” Tapos heto si Secretary Vince Dizon, cool na cool, sabi “It’s not illegal, but it seems improper.” Hoy, sir, sa totoo lang kung alam mong “improper,” bakit mo pa umano tino-tolerate?
Hindi porke’t hindi illegal, eh moral na. Hindi lahat ng kalokohan may batas na sumasakop pero ramdam ‘yan ng taong bayan, lalo na ‘pag kalsadang bagong gawang, sira na agad. Alam n’yo ‘yung masakit?
Tax namin ‘yan. Bawat litro ng gas, bawat kape, bawat bawas sa sweldo ng manggagawa, may kapalit na dapat maayos na daan, maayos na proyekto.
Pero sa halip, meeting-meeting sa restoran, tawag-tawag sa presscon, palusot dito, “ayos na tayo d’yan” doon.
Tama si Leviste, Ipakita niyo kung sino ang konektado sa mga kontraktor. I-release niyo ‘yung budget kada distrito pera naming ‘yan, hindi inyo. At kung kaya niyong ibaba ang presyo ng proyekto ng 25% ibig sabihin sobrang laki ng patong ngayon.
Kaya pala maraming yumayaman kahit hindi tumatama sa lotto! Hindi kailangan ng master’s degree para makita kung sino ang niloloko. Kailangan lang ng malasakit at konsensiya. Kaya habang may mga tulad ni Leviste na handang magtanong kahit pinipigilan, suportahan natin.
Hindi dahil idol siya, kundi dahil may lakas siyang magsabi ng totoo kahit mabigat pakinggan. Sa totoo lang, sawa na kami sa “resign-resign” drama. Ang gusto namin, baguhin ‘yung sistema, hindi lang palitan ‘yung tauhan.
Kasi kung puro palit lang ng mukha pero pareho pa rin ang laro, e di para tayong tanga ginagago nang paulit-ulit, pero tahimik lang. Kaya eto lang masasabi ko sa mga boss sa itaas: Wag n’yo kaming ginagago. Kami ang nagbabayad. Kami ang dumadaan sa mga lubak niyo. At balang araw, kami rin ang magpapalubak sa mga plano niyong bulok.
Disclaimer: Ang artikulong ito ay opinyon ng may-akda. Layunin nitong pukawin ang damdamin at kamalayan ng publiko hinggil sa mga isyung may kinalaman sa pananagutan at integridad sa pamahalaan. Wala itong layuning manira o magparatang ng katiwalian laban sa sinumang indibidwal o institusyon nang walang batayan.
- Latest



















