Mga payo kung umaatake ang gout
ANG gout ay kumplikadong sakit sa buto na may kasamang biglaan at matinding pag-atake ng sakit, pamumula at paninigas ng kasu-kasuan. Naaapektuhan nito ang paa, sakong, tuhod, kamay at kamao, ngunit kadalasang ang hinlalaki sa paa ang apektado.
Ang gout ay nabubuo kapag mataas ang lebel ng uric acid sa dugo. Kaya ang resulta, ay ang pagkakaroon ng crystals na nabubuo sa kasu-kasuan na dahilan ng pamamaga at pananakit.
Ang matinding pag-atake ng gout ay maaaring makapagpagising sa kalagitnaan ng pagtulog na para bang sinusunog ang hinlalaki. Ang apektadong joint ay mainit, namamaga at naninigas.
Ang gout ay iniuugnay sa labis na katabaan, sobrang pag-inom ng alak, high blood pressure, diabetes, mataas na kolesterol at kung may lahi nito sa pamilya.
Ang gout ay nagagamot, at may paraan para mabawasan ang panganib na dulot nito.
Sundin ang mga sumusunod kapag umaatake ang gout:
1. Uminom ng 8-16 tasa ng likido bawat araw. Mas mainam kung tubig o sopas. Iwasan ang matamis na inumin.
2. Iwasan ang pag-inom ng alak.
3. Kumain ng katamtamang dami ng protina, mas mainam kung galing sa gatas (low-fat milk), tofu o tokwa, at itlog. Hindi bawal ang monggo at tokwa sa gout.
4. Bawasan ang pagkain ng karne, isda at manok sa apat hanggang anim na ounces lamang. Ang mga pagkaing ito na mataas sa protina ang nagpapataas ng uric acid sa iyong dugo.
5. Panatilihin ang tamang timbang.
6.Kumunsulta sa doktor kung nilalagnat at ang kasu-kasuan ay mainit at namamaga. Baka senyales ito ng impeksiyon.
7. Kapag mainit ang panahon at dehydrated ang katawan, mas nagbubuo ang uric acid sa joints na nagpapalala sa gout.
8. Ang lamanloob ay bawal sa may gout. Masama rin ang matatamis at maaalat na pagkain.
9. Hindi bawal sa gout ang monggo, okra, sitaw at kamatis. Ang mga gulay ay gawa sa vegetable protein na mabuti sa katawan. Mas madaling maalis ang vegetable protein sa katawan kumpara sa karne.
10. Kapag inatake na ng gout, hindi na sapat ang pagdidiyeta sa pagkain lamang. Kailangan ng maintenance na gamot para bumaba ang uric acid levels sa dugo. Nagrereseta ang doktor ng Allopurinol o Febuxostat para sa gout. Nagbibigay din ng Colchicine tablets, apat na beses sa maghapon. Maaring uminom ng mefenamic acid para sa kirot. Pinakamabuti na magpa-check-up sa doktor.
- Latest















