^

PSN Opinyon

Hoy gising, DOTr at LTO

ORA MISMO - Butch M. Quejada - Pilipino Star Ngayon

Mga kababayan, gabi-gabi tayong nasa kalsada, at gabi-gabi rin tayong nagdurusa sa mga nakasisilaw na LED headlights na parang ilaw ng concert stage. Minsan kahit naka-low beam, ang dating ay parang sinilaban ka ng flashlight sa mukha. Sa gitna ng trapik, ulan, at lubak, idagdag pa ’yang nakakabulag na ilaw—ayos, jackpot na sa peligro.

Pero eto ang malupit: lahat nang motorista nakararanas, pero bakit parang bulag at pipi ang DOTr at LTO? Acting Secre­tary Giovanni Lopez ng DOTr, Atty. Vigor Mendoza, ng LTO, kayo mismo ang dapat unang kumilos. Ang trabaho n’yo ay magtakda ng standards at magpatupad ng batas, hindi lang magpa-cute sa media. Kung hindi n’yo kayang resol­bahin ang isang simpleng bagay gaya ng ilaw sa kotse, anong silbi ng mga posisyon n’yo?

At huwag n’yo kaming lokohin. Ang usapan dito, malakas­ ang amoy na pera-pera lang. Sino ba ang kumikita sa ben­ta­han ng mga LED na ’to? Sino ba ang nakikinabang sa pag­­dagsa ng mga ilaw na mas malakas pa sa spotlight ng Ara­neta? Habang kayo’y nagbubulag-bulagan, kami naman ang halos mabangga gabi-gabi.

Mga kuwento mula sa kalsada: “Na-flat ang gulong ko kasi hindi ko na nakita ang lubak—binulag ako ng kasalubong na SUV.”. “Habang nagmomotor, muntik akong sumemplang. Akala ko ordinaryong ilaw lang, ’yun pala LED na parang laser beam.” “Kung hindi alerto ang tatay ko, baka buong pa­milya namin na ang tinapos ng isang kotse na may naka­kabulag na ilaw.”

Kung sa ibang bansa, may malinaw na regulasyon. Dito sa atin, wala—kanya-kanyang trip. At masakit mang aminin, tila walang aksiyon dahil baka may kumikita sa kalituhan.

Kaya dapat lang: Kongreso at Senado, pakinggan niyo ’to. Bakit hanggang ngayon walang malinaw na pamantayan para sa headlights? Bakit wala pang batas na nagtatakda kung gaano kalakas lang dapat ang ilaw ng mga sasakyan? Kung kaya n’yong mag-imbestiga sa kung anu-ano, bakit hindi unahin ang isyung direktang nakaaapekto sa buhay ng motorista?

Kung hindi kikilos ang DOTr at LTO, dapat nang sumalang ang mga mambabatas. Hindi puwedeng puro hearing sa ibang bagay. Dapat bigyan ng priority ang simpleng solusyong puwedeng makaligtas ng libu-libong buhay.

Diretsong hamon ito: kung walang malinaw na hakbang sa susunod na buwan, dapat nang busisiin kung kanino pumapasok ang kita mula sa bentahan ng mga nakabubulag na LED headlights. Kung hindi n’yo kayang protektahan ang mga tao, baka mas bagay na kayo ay imbestigahan kaysa manatili sa puwesto.

Disklaymer: Ang artikulong ito ay opinyon ng manunulat. Layunin nitong magbigay ng matinding kritisismo at hamon sa DOTr, LTO, at maging sa Kongreso at Senado, upang unahin ang kaligtasan ng publiko sa kalsada. Hindi ito kumakatawan sa opisyal na posisyon ng anumang organisasyon o publikasyon.

LED

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with