^

PSN Opinyon

Green Card: Buhay pa ba ang American Dream?

Ramon M. Bernardo - Pilipino Star Ngayon

Matagal nang bahagi ng kamalayang Pilipino ang tinatawag na American Dream—ang paniniwalang gaganda ang buhay kapag nasa Estados Unidos, lalo na kung hawak mo ang Green Card na sumasagisag sa legal na paninirahan doon. Sa maraming dekada, naging simbolo ito ng pagkakataong umasenso, magkaroon ng sariling bahay, at mabigyan ng magandang kinabukasan ang pamilya. Ngunit sa pagbabago ng takbo ng ekonomiya, globalisasyon, at masalimuot na reyalidad ng migrasyon, buhay pa ba talaga ang pangarap na ito?

Noong dekada 1950 hanggang 1970, tila gintong panahon ang Amerika para sa mga migrante. Sagana sa trabaho, mura ang bilihin, at mabilis ang pag-angat patungo sa gitnang uri. Ngunit pagsapit ng dekada 1980, nagsimulang lumalim ang agwat ng mayaman at mahirap (income inequality), bumagal ang upward mobility, at naging mas mahirap para sa mga bagong dating na makamit ang tinatawag na “middle-class life.”

Pagkatapos ng mga pag-atake ng mga terorista noong Setyembre 11, 2001, nagpatupad ang pamahalaang Amerikano ng mas mahigpit na patakaran sa seguridad at imigrasyon. Ang dating bukas na pinto ay unti-unting isinara. Lumaki ang papel ng Department of Homeland Security at mas dumami ang dokumentong kailangang ipasa. Mas naging mahaba rin ang waiting time lalo na sa family reunification, kung saan may mga Pilipinong naghihintay nang higit 15 taon bago makalipat.

Dagdag pa rito, ang pandaigdigang krisis sa pananalapi noong 2008 ay nagwasak sa maraming pangarap. Ayon sa U.S. Bureau of Labor Statistics, mahigit walong milyong trabaho ang nawala sa loob lamang ng dalawang taon, at tinamaan din dito ang libu-libong Pilipino. Gayunpaman, hindi huminto ang daloy ng mga aplikante mula sa Pilipinas. Batay sa datos ng U.S. Department of Homeland Security, 35,998 Pilipino ang naging bagong Lawful Permanent Residents noong 2022—bahagyang bumaba mula sa 39,532 noong 2021. Karamihan sa kanila ay pumasok sa ilalim ng family-based sponsorship (64%), kasunod ang employment-based visa (29%), at maliit na porsyento lamang ang mula sa Diversity Visa Lottery. Patunay ito na, sa kabila ng lahat, nananatili pa ring mabigat ang hatak ng Green Card sa imahinasyon ng maraming Pilipino.

Ang Green Card ay nagbibigay ng karapatan na manirahan, magtrabaho, mag-aral, at mag-sponsor ng kaanak, at maaari rin itong magsilbing tulay patungo sa pagiging U.S. citizen. Ngunit hindi ito garantiya ng maginhawang buhay. Tuwing ikasampung taon, kailangang i-renew ito. May banta rin ng deportation kung lalabag sa batas, kahit minor offense. At simula nang ipatupad ang Laken Riley Act noong Enero 2025, mas lumawak ang kapangyarihan ng Immigration and Customs Enforcement (ICE) na mag-aresto, kahit sa mga lugar na dati’y itinuturing na ligtas tulad ng simbahan, ospital, at paaralan. Lumakas din ang mga kampanya laban sa sanctuary cities, na noon ay nagbibigay ng proteksyon sa mga undocumented immigrants.

Mabigat din sa bulsa ang pagkuha ng Green Card. Ang kabuuang gastos—kasama ang application fees, medical exams, pagsasalin ng dokumento, at legal assistance—ay maaa-ring umabot sa $5,000 hanggang $10,000 (humigit-kumulang ?283,000 hanggang ?566,000 sa kasalukuyang palitan). At kahit kompleto ang papeles, maaaring magtagal ng dalawa hanggang sampung taon bago maaprubahan, depende sa visa category at country of chargeability. Sa prosesong ito, maraming aplikante ang nabibigo dahil sa kulang sa dokumento, overstay history, o dahil natukoy bilang public charge—isang patakaran na tumitingin kung magiging pabigat sa gobyerno ang aplikante.

Kapag hawak mo na ang Green Card, hindi ibig sabihin ay tapos na ang laban. Maraming Pilipino ang napipilitang kumayod sa mababang sahod na trabaho. Ayon sa Migration Policy Institute, isa sa apat na imigrante sa U.S. na may kolehiyo ay nagtatrabaho sa trabahong hindi nangangailangan ng degree. Kasabay nito, patuloy ang pagtaas ng cost of living at renta. Sa maraming lungsod, gaya ng New York at Los Angeles, umaabot na sa kalahati ng kita ng isang pamilya ang napupunta lamang sa renta. Dahil dito, karaniwan nang makakita ng mga mamamayan—immigrant man o hindi—na kumukuha ng dalawa o tatlong trabaho para lang matustusan ang kanilang pangangailangan.

Sa nakalipas na dalawang dekada, mas dumami na rin ang tumitingin sa ibang destinasyon. Lumalakas ang migrasyon patungong Canada, Australia, New Zealand, United Kingdom  at Europe. Ang mga bansang ito ay mas bukas sa skilled workers at international students, at mas malinaw ang patakaran sa family reunification. Samantala, nananatiling pangunahing destinasyon ng mga OFW ang mga bansa sa Gitnang Silangan, gayundin ang Hong Kong at Singapore, kung saan mabilis ang proseso at mas mababa ang hadlang sa pagpasok.

Para sa ilan, nananatiling mahalaga ang Green Card dahil tunay itong nagbukas ng pinto sa magandang kinabukasan. Para sa iba, ito’y naging simula ng mas mahaba at mabigat na laban.

Kaya’t mahalagang tanungin: ang pangarap ba ay nakapaloob lamang sa isang bansa, o nasa kakayahan nating likhain ito kahit saan tayo naroroon? Sa panahong maraming landas ang bukas—mula New York hanggang Toronto, mula Sydney hanggang Berlin—marahil panahon na para unawain ang American Dream bilang isa lamang sa maraming anyo ng mas malawak na pangarap.

* * * * * * * * *

Email – [email protected]

AMERICAN

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with