EDITORYAL - ‘Sabongressman’

Habang ginaganap ang botohan para sa Speakership ng House of Representatives noong Lunes (Hulyo 28), nakunan ng video si AGAP party-list Rep. Nicanor Briones na nanonood umano ng e-sabong. Agad nag-viral sa social media ang video. Noong una ay hindi pinangalanan ang kongresistang nanonood ng e-sabong pero makalipas ang dalawang araw ay lumantad din ito at nag-sorry.
Pero ayon kay Briones, mali umano ang inaakala ng mga humuhusga sa kanya dahil hindi umano siya nag-o-online sabong! Ayon kay Briones, hindi siya tumataya sa e-sabong at ikinatwirang may nagpadala lamang sa kanya ng video message sa viber kaya nag-click lamang siya ng link at tiningnan lamang niya ito.
Kailanman daw ay hindi siya makikita sa sabungan at hindi rin umano siya marunong sa online money transfer.
Nakatalikod si Briones nang kunan ng video habang nanonood ng online sabong. Sabi pa ng kongresista, nahihiya raw siya kay Speaker Romualdez. Nabahiran umano nang hindi magandang imahe ang Kongreso. Iyon daw ang dahilan kaya siya lumantad. Humihingi raw siya ng pasensiya.
Ang pag-viral ng panonood ni Briones sa online sabong ay talagang kokondenahin sapagkat hindi naman dapat manood ng video habang nagsasagawa ng botohan sa Kamara. Bakit hindi siya nakapaghintay at agad na binuksan ang pinadalang mensahe sa viber. Puwede naman niya itong buksan sa comfort room o sa parking area kaya. Hindi sa loob ng session hall na mayroon pang botohan para sa Speakership.
Sabi ni Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) Executive Director Secretary Gilbert Cruz dapat daw maimbestigahan ang mambabatas na nakunan ng larawan habang nanonood ng online sabong at nasa kalagitnaan ng sesyon ng Kamara. Bilang opisyal daw ng pamahalaan, dapat maging halimbawa ang mambabatas.
Ang pag-viral ng video ni Briones habang nanonood ng online sabong ay nataon sa mainit na isyu ng online gambling na maraming humihiling na ipahinto na dahil maraming masamang dulot sa lipunan. Maraming nahuhumaling kahit kabataan. Nataon din ang viral video habang nasa kainitan ang imbestigasyon sa 34 missing sabungeros na umano’y pinatay at itinapon sa Taal Lake ang mga bangkay.
Bagama’t nag-sorry si Briones, hindi dapat dito matapos ang lahat.
- Latest
















