Yorme, mahusay na alkalde
MARAMI ang nanghinayang nang bitawan ni Isko Moreno ang pagka-mayor ng Manila upang tumakbo sa Presidential election. Kasi, sa maigsing panahon ng kanyang panunungkulan, marami siyang repormang nagawa.
Luminis ang Maynila at ang Claro M. Recto Avenue (malapit sa Divisoria) na binarahan ng mga vendors ay muling nabuksan sa trapiko. Kapuri-puri rin ang kanyang “Tondomenium” para sa mga mararalita ng siyudad.
Maliitin man ng kanyang mga kritiko ang nagawang ito ni Isko, napakalaking accomplishment niyan sa isang termino ng kanyang panunungkulan. Nagliwanag ang buong Maynila at nabawasan ang mga naglipanang vendors.
Ngunit nang wala na siya sa kapangyarihan, nagbalik sa dating pangit na kalagayan ng lungsod. Nagtambak ang mga gabundok na nilalangaw na basura sa mga daan lalo na sa Mel Lopez Avenue. Kung hindi naagapan iyan, malamang magkaroon ng bagong Smokey Mountain sa mismong lansangan.
Masyadong naging over-confident si Isko. Inakala niyang ang popularidad niya sa Maynila ay maghahatid sa kanya sa pinakamatayog na puwesto – ang maging Presidente ng bansa. Masalimuot kasi ang pulitika sa bansa. Hindi lang nakabase sa popularidad kundi sa tamang koneksiyon pati sa mga underworld elements. Nagpahinog sana muna siya.
Ngayon, mayor na siya muli ng Maynila. Sa kanyang pagbabalik sa city hall, agad niyang nilagdaan ang Executive Order No. 2 na muling nagtatakda ng curfew para sa mga menor-de-edad sa lungsod. Sakop ng curfew ang mga batang wala pang 18 taong gulang, mula 10:00 p.m. hanggang 4:00 a.m., alinsunod sa mga umiiral na ordinansa ng lungsod.
Napalinis na rin niya muli ang mga lansangan pinabayaang maging tambakan ng basura ni Mayor Honey. Maraming Manileño ang umaasa na muling magniningning ang lungsod at higit sa lahat, mabawasan ang kriminalidad.
- Latest




















