CPP-NPA sa North at Central Luzon, buwag na!
NANINIWALA ang Northern Luzon Command (NOLCOM) na ilang buwan na lamang ay mabubuwag na nila ang mga nalalabing puwersa ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) sa North at Central Luzon.
Nasusukol na umano ng mga sundalo sa ilalim ng Joint Task Force Tala ng 5th ID ng Philippine Army ang 20 rebeldeng kaanib ng Ilocos Cordillera Regional Committee (ICRC) ng CPP-NPA sa Bgy. Maragat, Kabugao, Apayao.
Walang body count ang militar kung ilan ang namatay na mga rebelde na pinamumunuan ni Ka Bram. Napakaraming armas, mga pampasabog at personal na mga kagamitan ang nasamsam ng mga sundalo sa mga rebelde.
Ngunit sa tagumpay na ito ng AFP, walang narinig o naiulat na paglabag sa karapatang-pantao ng mga sibilyang naapektuhan sa mga labanan. Pati paglabag sa International Humanitarian Law sa bahagi ng combatants o nakibahagi sa armadong sagupaan.
Utos ni NOLCOM chief, Brig. Gen. Fernyl Buca, na ituloy ang malakasang opensiba sa mga nalalabi pang kasapi ng rebeldeng grupong ICRC upang tuluyan nang malipol ang grupo ni Ka Bram.
Nais ng NOLCOM na mabuwag sa Hunyo ngayong taon ang ICRC at mapanumbalik ang kapayapaan sa North Luzon. Hindi sana kalimutan ng NOLCOM na nananatiling ang kapakanan ng karaniwang mamamayan sa lugar ng labanan ang palaging isinasaalang-alang.
Kahit malipol sa Hunyo ang puwersa ni Ka Bram, maaring may umusbong na rebelyon sa lugar. Walang puwang ang sinasabing “collateral damage” ng digmaan, pagyurak sa karapatan ng mamamayan at pagkawala ng buhay.
* * *
Para sa komento, i-send sa: [email protected]
- Latest




















