EDITORYAL — Talamak ang vote buying

PINAKAMATINDING problema na kinakaharap ng Commission on Elections (Comelec) habang papalapit ang May elections ay ang talamak na pamimili ng boto. Bagama’t malaking problema rin ang mga nangyayaring karahasan kung saan may mga nangyayaring pag-ambush sa mga kandidato at may mga naggigiriang pulitiko gamit ang kanilang private army, ang vote buying ay laganap na laganap. Mas matindi sapagkat ang bayaran sa pagbili ng boto ay digital o dinadaan sa e-wallet. Mahirap matunton ang namimili ng boto.
Inamin mismo ng Comelec na 34 na sumbong na ang kanilang natatanggap na may kinalaman sa vote-buying at vote selling. Iniimbestigahan na umano nila ang mga sumbong. Pinakamarami umano silang natanggap na vote-buying at vote selling sa National Capital Region (NCR). Hindi umano titigil ang Comelec hangga’t hindi natutukoy ang mga nasa likod ng pamimili at pagbebenta ng boto.
Sa isang forum, sinabi ni Comelec Commissioner Ernesto Ferdinand Maceda na bago pa man nagsimula ang kampanyahan, nakatanggap na sila ng mga sumbong ng bilihan at pagbebenta ng boto. Inihalimbawa ni Maceda ang pa-raffle ng sasakyan. Hindi naman pinangalanan ni Maceda kung sino ang nasa likod ng pa-raffle. Ang isang tiyak, ayon kay Maceda, talamak ang nangyayaring bilihan at pagbebenta ng boto sa Metro Manila.
Ayon sa Comelec, noong 2022 elections ay matindi rin ang vote buying at vote selling. Nakapagtala umano sila ng 1,226 na insidente. Noong 2023, sa ginanap na barangay at Sangguniang Kabataan elections, nakapagtala naman ang Comelec ng 375 na insidente. At ang Metro Manila ang lagi nang sentro ng bilihan at pagbebenta ng boto.
Sinabi naman ng Comelec, na alerto sila sa iba’t ibang pamamaraan ng vote buying, tulad ng digital vote-buying at e-wallet transactions. Nakikipag-coordinate na umano sila sa Gcash, Maya, at iba pang financial institutions upang matukoy ang mga kaduda-dudang cash transactions.
Ngayong marami nang natanggap na reklamo ang Comelec ukol sa vote buying at vote selling, nararapat nang may masampolan para matigil na ang ganitong masamang praktis. Kung walang masasampolan, magpapatuloy ang maruming election.
Nakapagtataka naman kung bakit walang kandidatong na-disqualified dahil sa hindi pagsunod sa batas na may kaugnayan sa pagkakabit ng poster. Nasan din ang mga party-list na binalaan noon ng Comelec na lumabag sa batas. Wala na? Puro banta ba ang Comelec?
- Latest