Nagsimula sa 300 na puhunan… EX-DRIVER, NGAYON AY SUCCESSFUL LETTUCE FARMER
Ngayon araw na ito ay ibabahagi ko sa inyo ang successful na buhay dahil sa pag-tatanim ng iba’t ibang uri ng lettuce ng isang dating tricycle driver sa Zambales.
Ang aking tinutukoy ay si Edward Manglicmot, owner ng Hydroponics Lettuce Garden sa Barangay La Paz, Sitio Maungot San Marcelino Zambales.
Tiyak po na kapupulutan ninyo ng aral, inspirasyon at motibasyon ang buhay paghahalaman ni Edward.
Siya ay dating namamasada ng tricycle sa kanilang lugar.
Ayon kay Edward, nagsimula siya sa pagtatanim ng lettuce sa mga bote ng sofdrinks at mineral water matapos niyang mapanood ang mga video tutorial ng inyong lingkod.
“Nagtitinda kasi ng lumpia ang aking manugang, nilalagyan namin ng lettuce pero ang mahal ng aming binibili kaya naisipan kung magtanim na lang,” ani Edward.
Unti-unting tinangkilik sa kanilang lugar ang kanyang mga produce at nagkaroon pa ng maraming suki kaya nagpatayo na rin siya ng green house.
“Nagkaroon na rin kami ng regular na kostumer na mga restaurant owner tulad ng symgupsal, bukod pa ang mga bumibili araw-araw ng mga produce naming fresh lettuce at ang iba ay dinadala namin sa palengke,” ani Edward.
Naglalaman ng mahigit sa 800 cups ng lettuce ang green house ni Edward, bukod pa ang mga tanim na pachoy na kanilang pang-ulam.
NFT method of hydroponics farming ang set up ng malaking green house ni Edward.
Pahayag pa niya, maraming benepisyo ang kanyang nakukuha sa pagtatanim.“Dati ay ulanin at arawan ako sa maghapong pagta-tricycle driver at konti lang ang kinikita.
Ngayon ay dito lang ako sa bahay at maganda ang aking kinikita, bonding pa naming mag-asawa ang pagtatanim,” sabi pa ni Edward.
Marami na rin ang nagpapaturo kay Edward sa pagtatanim at willing naman niyang ibahagi sa iba ang kanyang teknik sa pagtatanim.
Ang team ng Masaganang Buhay at Ang Magsasakang Reporter ay sumasaludo sa iyo Edward dahil ang pahiram na talento sa iyo ng Panginoon ay handa mong ibahagi sa iba.
Sa mga residente ng San Marcelino Zambales na nagnanais matuto sa pagtatanim at bumili ng mga produkto na tanim ni Edward ay i-text lamang po ninyo siya sa kanyang number na 0910-985-91-01.
Ngayong Linggo, June 29, 2025 ay mapapanood ninyo ang interview at farm tour kay Edward Manglicmot sa TV show ng Magsasakang Reporter na Masaganang Buhay.
Samantala, para sa iba pang tips at sikreto sa pagtatanim ng iba’t ibang uri ng halaman sa pamamagitan ng organikong pamamaraan ay maaari po kayong manood at makinig ng aking TV program na Masaganang Buhay tuwing Linggo, alas-7:00 hanggang alas-8:00 ng umaga sa OnePH Cignal TV, Channel 1 ng TV-5.
Mapapanood din sa RPTV, Facebook at Youtube. Maaari rin kayong manood, mag-subscribe at mag-follow sa aking Youtube Channel na ANG MAGSASAKANG REPORTER at Facebook profile na Mer Layson at Facebook page na Ang Magsasakang Reporter, TV host Vlogger, Tiktok na Magsasakang Reporter para sa iba pang kaalaman at impormasyon sa pagtatanim ng iba’t ibang uri ng halaman sa pamamagitan ng organikong pamamaraan.
Tuwing araw ng Martes ay regular ninyong mababasa ang aking kolum dito sa Pilipino Star Ngayon (PSN) ng Star Media Group of Publications.
Nitong nakalipas na Biyernes June 20, 2025 ay ginawaran ang Magsasakang Reporter bilang Excellence in Media Agriculture and Community Empowerment ng Global Filipino Achievers Awards sa Sydney Australia.
Sa mga tanong at komento ay maaari ninyo akong i-text, huwag po tawag, sa 09178675197.
STAY SAFE, SALAMAT PO, HAPPY FARMING, GOD BLESS US ALL.
- Latest