Magandang buhay para sa mga Pilipino
NANG tanungin si President Bongbong Marcos Jr. sa isang panayam kung ano ang ibig niyang iwanang pamana sa bawat Pilipino, ang sagot niya ay “malaking pagbabago.” Ibig sabihin—higit na magandang buhay sa bawat mamamayan dulot ng mabuting ekonomiya.
Ngunit sa sangkatutak na political problems na binubuno ng bansa, matatamo ba ito hanggang 2028 na tatlong taon na lang mula ngayon? Ani Bongbong sa isang podcast interview, wala siyang ibang hangad kundi magandang buhay sa bawat Pilipino. Iyan ang legacy na ibig niyang iwanan pagbaba niya sa tungkulin sa 2028.
Lahat naman ng mga nagdaang leader ay iyan ang intensiyon pero hanggang ngayon, hindi bumuti ang kalagayan natin kundi lumubha pa lalo. Political bickering at corruption din ang dahilan nito. Walang nagbago kundi lalong lumubha ang problema.
Hindi lang hidwaang Marcos-Duterte ang sagabal sa layuning ito ni Bongbong kundi ang umiigting na tension sa buong daigdig at dito’y walang kontrol ang ating bansa at pamahalaan. Ang mundo ay nasa bingit na ng pandaigdig na digmaan habang patuloy ang digmaan ng Israel at Palestine na suportado ng Islamic countries. Ang Russia, na patuloy na gumigiyera sa Ukraine ay nagsabi pa na nagsimula na ang Third World War.
Sa aking pananaw, walang sinumang Presidente, gaano man kahusay at katalino ang makapagpapatakbo ng pamahalaan na nadadamay sa kaguluhan ng daigdig. Una sa lahat, lubhang umaasa ang bansa sa mga inaangkat na essential goods tulad ng krudong langis na patuloy na tumataas ang halaga.
Isa sa mga pangunahing dahilan iyan kung bakit tumataas ang halaga ng lahat ng kalakal natin dumedepende sa transportasyon na gumagamit ng petrolyo. Sa harap ng mga global problems na ito, hindi ba puwedeng isaisantabi muna ang pulitika at magtulungan muna ang mga nag-aaway na paksyon upang bumuo ng safety measures sa pagpigil sa masamang epekto ng sigalot sa daigdig? Please naman!
- Latest