Digong, ibig umuwi sa Pinas
Kahit sino’ng may puso ay mauunawaan ang daing ng isang matandang kaunti na ang araw sa daigdig na ibig bumalik sa bansang sinilangan upang doon pumanaw.
Hindi naiiba riyan si dating Presidente Duterte na nasa kustodiya ng International Criminal Court (ICC) upang litisin sa kasong crimes against humanity.
Ngunit ang ICC na ang makapagpapasya kung igagawad ang petisyon para sa pansamantalang paglaya ng kanyang legal counsel o hindi. Iba kasi sa ordinaryong kaso ang kinahaharap ng dating Presidente. Hindi isang tao o dalawang tao ang nasasangkot kundi sangkatauhan na, o humanity.
Kung ang kaso ay bunsod lang ng pulitika at walang katotohanan, sa ayaw natin o sa gusto, ICC ang hahatol.
Samantala, karapatan ng legal team ni Duterte na tumuklas ng lahat ng remedyong legal sa kapakanan ng kanilang kliyente. Sa pag-usad ng kaso, mga taumbayan ang nagbabangayan at nagpupukulan ng masasakit na salita.
Kahit hindi sila abogado ay kanya-kanyang legal opinion ang sumusulpot sa kanilang labi. Ako man ay may sariling opinyon ngunit mula nang maaresto si Duterte para litisin sa kaso, nirendahan ko na ang bibig ko.
Kasi alam ko na ito ay subjudice na at ang pag-usapan ang merito nito ay rason para ang naghahayag ng opinyon ay ma-contempt. Iyan ang kalakaran sa ating panloob na judicial system, ewan ko lang sa ICC.
Kaya samo ko sa taumbayan, pro o anti Duterte man, iwasan na ang pagdedebate sa merito ng kaso ng dating Presidente. Baka lalong makasama iyan imbes na makabuti sa paninindigan niyo. Let’s just pray na mangibabaw ang tunay na katarungan.
- Latest