^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Korapsiyon sa BI nakakasuka na!

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL - Korapsiyon sa BI nakakasuka na!

MISTULANG kanser na wala nang lunas ang korapsiyon sa Bureau of Immigration (BI). Lagi nang may isyu ng katiwalian. Tatahimik lang sandali at meron na namang lulutang na katiwalian. Marami nang naitala­gang commissioner sa BI subalit walang nangahas na linisin ang ahensiya sa katiwalian. Walang nagkaroon ng lakas ng loob na putulin ang pangil ng mga matatakaw na buwaya na naglulungga sa ahensiya.

Hindi lamang mga personnel ng BI ang nasasangkot sa katiwalian kundi pati na rin mismong ang commissioner. Nakakahiya ito sapagkat dapat ang commissioner ang magpapakita ng halimbawa.

Noong Set. 9, 2024, sinibak ni President Ferdinand Marcos Jr. si BI Commissioner Norman Tansingco dahil sa “pagkakatakas” ni dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo at mga kasama noong Hulyo 18, 2024. Nakara­ting sina Guo sa Malaysia, Singapore at Indonesia. Ayon kay Guo at sa kapatid na si Shiela, sumakay sila sa yate at lumipat sa mas malaking barko at nagbiyahe ng apat na araw hanggang makarating sa Malaysia. Naaresto sina Shiela at Cassandra Li Ong noong Agosto 20 sa Indonesia samantalang naaresto si Alice Guo noong Setyembre 5 sa bahay ng isang monk sa Indonesia. Hanggang ngayon, nananatiling misteryo kung paano nakalabas ng bansa sina Guo na hindi na-monitor kuno ng BI.

Ipinalit kay Tansingco si Joel Anthony Viado. Pero ngayon, may mga grupo na nag-aakusa kay Viado ng corruption. Sabi ni Viado, ang smear job laban sa kanya ay may kaugnayan sa naka-detained na Chinese businessman na si Tony Yang. Handa raw si Viado na humarap sa corruption probe.

Mula pa 2022, niyayanig na ng kontrobersiya ang BI. Marami nang sinibak na BI officials dahil sa “pastillas scam”. Noong Hunyo 2022, 45 BI officials ang sinibak sa puwesto dahil sa scam na ito. Sa imbestigasyon ng Senado, P40 bilyon ang naibubulsa ng mga korap sa BI dahil sa visa-upon-arrival (VUA) policy.

Noong Pebrero 2024, apat na abogado ng BI ang sinibak sa puwesto dahil sa pag-iisyu ng working visas sa mga dayuhan na bogus naman ang mga kompanya. Malaking pera ang kapalit sa pag-iisyu ng visas.

Noong Marso 4, 2025, pinatakas ng tatlong Immigration personnel ang South Korean fugitive na si Na Ikhyeon, habang dumadalo sa hearing sa Quezon City Prosecutor’s Office kaugnay sa kaso nitong estafa. Nakunan ng CCTV ang pagtakas ng Koreano. Malaking halaga ang sangkot sa pagpapatakas.

Mistulang kanser na nga ang korapsiyon sa BI at wala nang lunas. Nakakahiya na ang paulit-ulit na korapsiyon! Meron pa kayang maipupuwesto rito na may tapang na putulan ng pangil ang mga buwaya?

BUREAU OF IMMIGRATION

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with