Ang boksingero
MAY isang boksingerong tila may sayad at galit na galit sa sarili. Dahil dito’y hinamon ang anino niya na magsuntukan. Umakyat siyang mag-isa sa ring na naka-boxing short, rubber shoes at gloves.
Nag-shadow boxing siya na mistulang baliw na sumusuntok sa hangin laban sa anino niyang itinuring na tunay na katunggali. Pawisan at humihingal ang hunghang na boksingero sa mahabang oras na pakikitunggali sa sarili. Humihingal at unti-unting nanlupaypay at pinanawan ng lakas.
Hanggang kapusin ang hininga niya at kasabay niyang bumagsak sa lona ang kanyang sariling anino. Knockout silang pareho ng kanyang anino. Hindi ako nagpapatawa.
Ngunit ganyan sa pakiwari ko ang nangyayari sa ating bansa. Tayu-tayong Pilipino ang mag-aaway dahil sa pulitika. Ipinagpapatayan ang mga kinakampihan nating pulitiko sa halip na magkaisa sa pag-unlad ng ating bansa.
Sino ang mananalo sa paglaban natin sa sarili? Wala. Talo tayong lahat habang ang mga pulitikong ipinagtatanggol natin ay patuloy na mamamayagpag. Sa ngayon, nahati sa dalawang paksyon ang mga Pilipino:
Maka-Duterte at Maka-Marcos. Para bang obligado ang bawat mamamayan na may kampihang personalidad. Pero hindi tao ang dapat panigan kundi ang kabutihan ng mamamayan at bansa.
Kung sina Duterte at Marcos ang dahilan ng walang tigil na problema ng Pilipinas, dapat, kapwa na sila maglaho sa larangan ng pulitika sa bansa.
Baka sa kaka-shadow boxing natin, tayo pa ang ma-knockout ng ating anino. Iyan ang katawa-tawa.
- Latest