^

PSN Opinyon

Comedy bar sa London, hindi nagpapapasok ng audience na may botox!

MGA KWENTONG WEIRD - Ronniel Niko B. Halos - Pilipino Star Ngayon

HINDI joke ang bagong patakaran ng isang sikat na comedy club sa Covent Garden, London kung saan bawal ang mga audience na may Botox!

Simula noong Marso 5, ipinatutupad ng Top Secret Comedy Club ang tinatawag nilang “expression test” kasabay ng regular na ID check sa entrance. Ang dahilan? Para matiyak na ang mga papasok ay may kakayahang magpakita ng emosyon sa kanilang mukha habang nano­nood ng palabas.

Ayon sa pamunuan ng club, dumadaing na ang kani­lang mga komedyante dahil sa tila ‘malamig’ at ‘walang reaksyong’ audience. Hindi raw dahil hindi nakakatawa ang kanilang mga joke, kundi dahil sa epekto ng Botox, isang cosmetic injection na pumipigil sa paggalaw ng facial muscles.

Sa pahayag ng may-ari ng club na si Mark Rothman, maraming performers ang nagreklamo dahil nahihirapan silang basahin ang reaksyon ng audience. “Ang comedy ay isang two-way street, hindi lang ito tungkol sa pagpapatawa, kundi sa pagtanggap din ng reaksyon mula sa audience,” paliwanag ni Rothman. “Kapag ang kaharap mo ay may mukhang parang sa rebulto, nawawala ang natural na daloy ng performance.”

Napag-alaman na tinatayang isang milyong Botox injections ang naiturok sa UK noong naka­raang taon. Bagama’t madalas itong ginagamit upang magmukhang mas bata, nagiging problema naman ito sa mga venue tulad ng comedy clubs, kung saan mahalaga ang facial expressions sa paglikha ng koneksiyon sa pagitan ng komedyante at audience.

Bago makapasok, kailangang dumaan ang mga guest sa isang simpleng pagsusuri kung saan hindi lang basta ticket at ID ang tinitingnan kundi pati ang kakayahan nilang gumalaw ang kanilang mukha.

“Gusto namin ng audience na tumatawa, natutuwa, nagugulat, o kahit naiinis, anumang natural na reaksiyon na makakatulong sa pagpapasigla ng palabas,” dagdag ni Rothman.

May ilan namang sumusuporta sa patakaran ng club. Ayon kay Andrew Mensah, isang regular performer sa venue, malaking tulong ito sa kanila bilang mga komed­yante. “Kapag ang audience ay walang reaksyon, parang sumi­sigaw ka sa kawalan,” aniya. “Hindi namin alam kung na­kakatawa ba ang joke o hindi. Kaya kung makakatulong ang ban na ito, suportado ko ito.”

Gayunpaman, may ilan ding hindi sang-ayon sa bagong polisiya. Ayon sa ilang netizens, tila may diskriminasyon laban sa mga taong gumagamit ng Botox para sa kani­lang personal na kagustuhan.

May mga nagtatanong din kung paano nila masisiguro na ang isang tao ay talagang may Botox o sadyang hindi lang expressive ang mukha nito. Sa ngayon, trial period pa lamang ang ban, ngunit umaasa ang pamunuan ng Top Secret Comedy Club na makakatulong ito upang maibalik ang masayang enerhiya sa kanilang mga palabas—at siguruhing hindi “nagyeyelo” ang kanilang comedy nights.

STORY

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with
-->