Bipolar disorder
Sa mga kasong kriminal, ang isang isinakdal ay puwedeng mapawalang sala ng Korte kung ito ay isang baliw. Kaso, maaaring ihatol ng hukuman na ang idinemanda ay ilagak sa mental institution. Hindi naman marahil gagamiting depensa iyan ni dating President Rodrigo Duterte dahil labis ng kasiraan iyan sa kanyang pagkatao.
Ngayon, siya ay dinala na sa The Hague, Netherlands na kinaroroonan ng International Criminal Court (ICC) upang litisin sa kasong crime against humanity kaugnay ng mga extra judicial killings na naganap sa ilalim ng kanyang war on drugs.
Malikot lang ang isip ko and out of curiosity, sumulpot sa isip ko kung puwedeng ma-invoke sa ICC ang insanity upang makalusot sa asunto ang isang nasasakdal. Kasi naman, naalala ko na minsang inamin ni Duterte na siya ay may bipolar disorder nang siya ay Presidente pa ng bansa.
Ang bipolar disorder ay isang kapansanan sa isip na ang tao’y nagpapabagu-bago ng mood sa loob lamang ng ilang saglit.
Iniisip ko noon na baka nagpapatawa lamang ang Presidente. Ngunit sa kanyang mga pahayag, naghinala ako na maaaring totoo nga na may ganyan siyang sakit sa isip gaya ng pag-amin niya.
Halimbawa, sasabihin niya ngayon na “bangag” si Presidente Bongbong Marcos, kinabukasan, pabubulaanan niya na may sinabing ganoon.
“Wala akong sinabing ganyan, ayaw kong mapasama sa Presidente“ ang sinasabi niya. Marami pang ibang okasyon na bigla siyang kumambyo sa kanyang mga pahayag. Kaya naman kahit magsalita siya ng malaswa ay inuunawa ko na lang na ito’y dala ng kanyang abnormalidad sa isip na kanyang ikinumpisal noon.
- Latest