Poot
WALANG permanenteng kaibigan o kaaway, permanenteng interes lamang. Isang bahagyang bersiyon ng pahayag ni Lord Palmerston, isang 19th-century British prime minister. Ang siniping ito ay kadalasang nauugnay sa pulitika, at ito ay nagbubuod kung ano ang nagaganap sa Pilipinas.
Ang kasalukuyang poot ni Vice President Sara Duterte sa pamilya Marcos ang magandang halimbawa. Parang naalala ko ang pagpapares ni Marcos-Duterte bilang Team Unity noong kampanya noong 2022. Pero mukhang nabuwag na nga ang Unity.
Sa nakalipas na ilang pagdinig sa Senado, ipinapaliwanag kay Sara kung paano nagastos ang confidential funds noong siya ay secretary ng Department of Education (DepEd) at kanyang sariling tanggapan bilang Vice President.
Nag-ugat ito sa hindi pagpayag ng Commission on Audit (COA) na P15.54 milyon mula sa P112.5 milyong confidential fund expenses ng DepEd noong 2023 at kung paano ginastos ang P500 milyon na confidential at intelligence funds ng Office of the Vice President (OVP) kung saan mahigit kalahati ay hindi pinayagan ng COA. Lumabas din na ang OVP ay gumastos ng P125 milyon sa loob lamang ng 11 araw.
Ngunit sa halip na magbigay ng mga sagot at paliwanag, tila nilihis ni Sara ang mga isyu. Naglabas siya ng mga mapanlait na pahayag laban kay President Bongbong Marcos Jr. tulad ng pahayag na “hindi niya alam kung paano maging presidente.”
Pinagsisisihan ang pakikipagtambal kay Marcos sa panahon ng kampanya, humingi ng paumanhin sa mga miyembro ng Kingdom of Jesus Christ ni Apollo Quiboloy sa paghiling sa kanila na iboto si Marcos, at binibigkas ang kanyang pinakamasamang pahayag sa pagbabantang huhukayin ang katawan ni Ferdinand Marcos Sr. at itatapon daw sa West Philippine Sea.
Marami sa pulitika ang nagsabing wala na sa lugar si Sara. Sabi ng anak ni BBM na si Sandro Marcos, hindi raw nararapat ang mga pahayag ng Vice President, walang pakundangan at desperado.
Sa nakikita ko, patay na ang tambalan nina Sara at BBM. Ang mga pampublikong pondo, maging confidential man, ay dapat may paliwanag. Hindi sana pinuna ng COA ang mga bahagi ng mga gastusin ng OVP at DedEd kung hindi ito masusuri.
Kung legal at nararapat naman ang lahat ng gastusin, hindi dapat mahirap magbigay ng paliwanag at pagpapakita ng mga sumusuportang dokumento. Ngunit nagpatuloy ang Vice President at inakusahan ang Kongreso na plano siyang i-impeached at lahat nang pag-atake sa kanya ay pulitika lamang.
Kaya mukhang wala nang balakid ang mga maaanghang na pahayag laban sa pamilya Marcos. Rumesponde kaya si PBBM?
- Latest