Lolo, bumalik sa 19 years old ang isipan matapos masagasaan!
ISANG 63-anyos na lalaki sa Italy ang nawalan ng apat na dekada ng mga alaala matapos masagasaan at ma-comatose ng ilang araw!
Noong 2019, nasagasaan ng kotse ang noo’y 58-anyos na si Luciano d’ Adamo habang tumatawid sa kalsada. Matapos ang ilang araw na naka-comatose, nagising ito ngunit nagtaka dahil hindi niya kilala ang mga tao sa kanyang paligid.
Nagulat pa ito nang malaman ang kasalukuyang petsa samantalang ang huli niyang alaala bago magising ay siya ay nasa taon 1980. Dumagdag pa sa kalituhan ni Luciano ay nang tumingin siya sa salamin at nakita roon ang isang matandang lalaki na maputi ang buhok.
Hinahanap niya kasi ay ang hitsura niya noong 1980 na isang 19-anyos na binata. Sinubukan ipaliwanag kay Luciano ng kanyang misis ang nangyaring aksidente ngunit lalo itong nagulat na ang 58 years old na ginang na nagpapaliwanag sa kanya ay asawa niya.
Hindi niya matanggap at mapaniwalaan na iisa ang ginang at ang kanyang 19-anyos na nobya. Ang huli niyang alaala dito ay dalagang-dalaga pa ito at hindi pa sila kasal.
Dahil hindi na makayanan ni Luciano ang mga pinagsasasabi ng mga “estranghero” sa kanyang paligid, nakiusap ito sa nurse na pahiramin siya ng telepono para matawagan niya ang kanyang ina.
Nang pahiramin siya nito ng isang smartphone, hindi niya maintindihan kung anong klaseng bagay ito at humingi siya ng rotary landline phone. Pero agad niyang nakalimutan ang pagkalito rito nang malaman na hindi na niya maaaring matawagan ang kanyang ina dahil matagal na itong patay.
Ngayong 2024, limang taon matapos ang aksidente, unti-unti nang natatanggap ni Luciano na siya ay 63-anyos na at hindi na babalik ang kanyang mga naburang alaala. Ngayon ay nagtatrabaho siya bilang maintenance staff ng isang school. Nakatulong ang pagtatrabaho niya roon para makapag-adjust sa teknolohiya ng makabagong panahon.
May ilang maiikling memorya na bumalik kay Luciano tulad ng serial number ng crib ng kanyang unang apo. Bukod dito, patuloy pa rin siyang kumukunsulta sa isang psychiatrist upang tulungan siyang muling buuin ang relasyon sa kanyang pamilya at mga kaibigan.
Ang kakaibang karanasan ni Luciano d’Adamo ay nakatawag ng pansin sa international scientific community at marami ang nagpakita ng interes na pag-aralan ang kanyang kondisyon.
Hanggang sa kasalukuyan, pinaghahanap pa rin ng mga awtoridad ang nakasagasa kay Luciano.
- Latest